LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy ang pamamahagi ng training allowance ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa mga iskolar nito.
Ayon kay TESDA Nueva Ecija Provincial Director Ava Heidi Dela Torre, ang mga benepisyaryo ay mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan na kumuha ng mga kurso sa ilalim ng Special Training for Employment Program at Rice Extension Services Program ng ahensya.
Kabilang sa mga nakatanggap na ng kanilang training allowance ay ang 112 iskolar sa San Antonio at Cabiao mula sa ika-apat na distrito ng lalawigan na mayroong kabuuang pondo na 162,720 piso.
Sila ay kumuha ng mga kursong Beauty Care Services NC II, Dressmaking NC II, Shielded Metal Arc Welding NC I, at Electronic Products Assembly sa mga katuwang na training providers sa lalawigan.
Sa ikatlong distrito ay nakapagpamahagi na ng halagang 281,340 pisong training allowance ang TESDA sa 198 iskolar sa bayan ng Laur at Bongabon.
Karamihan sa mga benepisyaryo ay kumuha ng mga kursong Dressmaking NC II, Hilot Wellness Massage NC II, at Shielded Metal Arc Welding NC I sa ilalim ng STEP.
50 sa kanila ay mga iskolar ng RESP katuwang ang Gerry’s Integrated Farm sa bayan ng Laur.
Paglilinaw ni Dela Torre, sinisiguro ng tanggapan na sa pagdaraos ng mga aktibidad ay nasusunod ang mga panuntunang tulad ng social distancing, pagsusuot ng facemask, face shield, gloves, at iba pa kontra sa paglaganap ng COVID-19.