LUNGSOD NG CABANATUAN — Nagdaos ng dalawang araw na pagsasanay ang Nueva Ecija University of Science and Technology o NEUST at National Commission on Indigenous Peoples o NCIP sa mga kolehiyo sa lalawigan hinggil sa implementasyon ng curriculum para sa Indigenous Peoples o IP Studies.
Ayon kay NCIP Provincial Chief Dr. Donato Bumacas, batay sa inilabas na Circular Memorandum Order Number 2 ng Commission on Higher Education o CHED, inaatasan ang lahat ng mga Higher Education Institutions o HEIs sa bansa na isama ngayong taong curriculum ang IP Studies o Education.
Aniya, napakahalangang maipatupad itong kautusan na makatutulong upang mawala ang diskriminasyon sa mga katutubo gayundin sa pagtataguyod ng mga programa para sa sektor.
Sa naturang aktibidad ay ipinaliwanag ng NCIP at NEUST ang magiging gampanin ng paaralan sa pagpapatupad ng curriculum, mga nakapaloob sa IP Studies/ Education, research ethics in conducting IP researches, at review and revision of IP-inclusive curriculum and subject syllabi.
Paglilinaw ni Bumacas, handa ang tanggapan na magbigay ng kasanayan at tumulong sa mga kolehiyo sa lalawigan upang maisama sa pagtuturo ang iba’t ibang kultura, batas, pamumuhay ng mga katutubo.
Mayroon ding hiwalay na pagsasanay para sa mga guro na kinakailangang dumaan sa tatlong modules upang maunawaang lubos ang lahat ng mga ituturo tungkol sa sektor.
Bukod sa mga nasasakupang HEIs sa lalawigan ay magbibigay din ng kasanayan at pagtuturo ang NEUST at NCIP sa mga kolehiyo at institusyon sa buong rehiyon na gaganapin sa ika-isa at ikalawa ng Agosto.
Nakapaloob sa atas ng CHED na dapat ay maisama na sa curriculum ang IP Education ngayong darating na Agosto ng kasalukuyang taon.
Isa ang NEUST sa mga insititusyon sa bansa na mayroon ng IP Education partikular ang pagtuturo ng IP governance, mayroon ding sariling tanggapan para sa mga katutubong mag-aaral.
Ayon kay Dr. Arneil Gabriel, hepe ng NEUST Center for Indigenous Peoples Education, ang tanggapan ay tumututok sa pangangailangan ng mga katutubong mag-aaral at pananaliksik hinggil sa sektor.
Sa kasalukuyan ay mayroong 55 mag-aaral na katutubo sa NEUST.