Tulong ni Congresswoman Roman extended sa 2nd District

ORANI, Bataan – Matapos makatuwang ng Provincial Government of Bataan sa pangunguna ni Governor Abet Garcia, sa pagbibigay tulong sa mga labis na naapektuhan ng ipinapatupad na Luzon-wide Enhanced Community Quarantine dahil sa banta ng COVID-19, tiniyak ni Bataan First District Congresswoman Geraldine Roman na tutulong din siya sa mga kababayang Bataeños sa Ikalawang Distrito. 

Ito ang iniulat ni Rep. Roman sa kanyang Facebook Live nitong nakalipas na Abril 24.

“Ang aking kapatid na si Atty. Tony Roman III at si Mommy (former Congresswoman and now SBMA Director Herminia Roman) ay tutulong na rin sa pamimigay ng mga gatas at iba pang nakalap nilang relief goods para sa 2nd District,” pahayag ni Congresswoman Roman. 

Matatandaan na kamakailan ay nagpadala ng bigas at gatas si Francis Leo Marcos (FLM) sa Unang Distrito ng Bataan sa pamamagitan ng pagsagot sa bawat hamon o challenges sa pagitan ni Rep. Roman at FLM. 

Ang 35 boxes na gatas na ibinigay ni FLM ay dinagdagan nang mas maraming gatas na ipamamahagi ni Rep. Geraldine Roman para mas marami aniyang mga bata o toddlers ang mabiyayaan.

Nilinaw ni Roman na hindi mga infant milk ang kanilang ido-donate kundi para sa mga edad 3-5 taong gulang para hindi malabag ang batas na nagbabawal ng pangangalap at pagdodonate ng mga gatas ng mga sanggol.

Ang isang mambabatas na katulad ni Rep. Roman ay walang budget para sa mga ganitong gastusin o ayuda hindi gaya ng mga nasa executive branch o mga local government units na mayroong calamity at intelligence funds. 

Kamakailan, gamit ang personal na pera, ay nagbigay si SBMA Director Herminia Roman sa 237 Punong Barangay ng Bataan ng tig P10,000 bilang ayuda sa mga gastusin sa mga barangay. 

Ngayong araw na ito ay sinimulan ang pamamahagi ng gatas sa mga mahihirap na pamilya sa Ikalawang Distrito ng Bataan. 

“Layunin naming dugtungan lang ang tulong mula sa kapitolyo, munisipyo, at barangay.  Alam namin na, sa kabila nito, di pa rin magiging sapat ang gatas para sa lahat, pero umaasa kami na kahit papaano maiibsan nito ang pangangailangan ng maraming mahihirap na pamilyang may batang 3-5 taong gulang,” paglilinaw ni Atty. Tony Roman III, chief legal counsel ni Rep. Geraldine Roman. 

Bukod sa mga gatas para sa mga bata ay nakakalap din ng mga donasyon para sa kanilang relief goods efforts ang pamilyang Roman mula sa Century Pacific Food Inc., San Miguel Corporation, Pepsi Cola Product Phils. Inc at SM Foundation Inc. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews