Bumaha ng tulong mula sa mga lokal na opisyal at pribadong sektor para sa mga nasunugan sa Barangay West Calaguiman sa Samal, Bataan nitong nagdaang Biernes ng umaga, Oktubre 23, 2020.
Ayon sa ulat mula kay Samal Mayor Aida D. Macalinao, umabot sa 19 kabahayan ang nasunog kung saan naapektuhan ang 33 pamilya at 117 indibidwal. Sa mga nasirang bahay, 10 dito ay totally damaged, 9 ang partially damaged
Personal na umasiste si Mayor Macalinao noong araw mismo ng sunog na napaulat na nagsimula sa diumano ay ilegal na koneksyon ng kuryente sa lugar. Nagbigay ang Alkalde sa pamamagitan ng Samal MSWDO, MDRRMO at Mayor’s Office ng pangunang ayuda kagaya ng pinansiyal na tulong, kumot, banig, at mga relief goods.
Bandang hapon ng Biernes ay ang staff naman ni Governor Abet Garcia ang dumating sa fire scene at nagpaabot ng agarang tulong sa mga nabiktima ng sunog.
Nitong Sabado naman ay nagpahatid din ng tulong si Bataan 1st District Congresswoman Geraldine B. Roman.
Samantala, isang grupo ng mga kabataan sa bayan ng Samal ang nakalikom ng malaking halaga para sa dagdag ayuda at tulong sa mga nasunugan dito lalo na sa pagtatayo ng mga nasirang kabahayan.
Sila ay ang BAHAYnihan, isang grupo ng mga kabataan sa Samal na boluntaryong tumutulong sa Samal LGU para mapabilis ang pagpapatayo ng mga bahay ng mga nasunugan.
Ayon kay Aaron Cortez Rondilla, HRMO head ng Samal LGU at siyang pangunahing personalidad na nagbuo ng BAHAYnihan, katuwang nila rito bukod sa Samal LGU, si Bataan Governor Abet Garcia, dating Mayor Gene Dela Fuente, DSWD at mga pribadong hardware stores para mapabilis ang konstruksyon ng mga bagong bahay para sa mga nasunugan.
Ang mga aspeto ng lot ownership, donations, bilang ng mga benepisyaryo at iba pang technical aspects ay pinaplantsa na ng grupo katuwang ang mga concerned agencies.
“Si Nina Carpio Reyes na kaklase ko noong Kinder na taga Barangay Sapa na ngayon ay sikat na artist/painter sa England ay nakakalap ng halagang 70 thousand mula sa kanyang live selling pero isinara na niya sa 100 thousand ang kanyang ido-donate para sa kakailanganing kagamitan sa bahay sa oras na maitayo na ang mga bahay,” pahayag ni Rondilla sa isang panayam via Messenger.
As of 8a.m. nitong Lunes, Oktubre 26, 2020 ay nakalikom na ng halagang P23,084.00 ang grupong BAHAYnihan.