LUNGSOD NG MALOLOS — Nakapagpadala na ng inisyal na 4,764 na mga food packs ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa mga lungsod ng San Jose Del Monte, Malolos at Meycauayan at mga bayan ng Pandi at San Miguel.
Ayon kay DSWD Bulacan Project Development Officer Jeffrey Espiritu, ito ay inisyal na tulong pa lamang ng ahensya sa mga pamahalaang lokal.
Kabilang diyan ang 1,800 na mg food packs sa San Jose Del Monte, 655 sa Meycauayan, 609 sa Malolos, 1,300 sa San Miguel at 400 sa Pandi.
Ipinaliwanag pa niya na ang bilang ng mga food packs na ibinababa ng DSWD sa bawat bayan ay alinsunod sa kahilingan ng mga pamahalaang lokal.
Nagsisilbi itong karagdagan sa mga ipinamamahaging tulong ng mga pamahalaang lokal sa suplay ng pagkain ng kani-kanilang nasasakupang mga barangay.
Halimbawa sa Malolos, ayon kay Mayor Gilbert Gatchalian, prayoridad na pinagkakalooban ng tulong sa suplay ng pagkain ang mga nahinto sa trabaho na arawan kung sumahod.
Kasama dito ang mga arawan ang kita sa paghahanapbuhay gaya ng mga tricycle drivers, jeepney drivers, mga naglalako ng iba’t ibang paninda at lahat ng kagaya nito. Binibigyan din ang mga senior citizens at mga may kapansanan sa lungsod.
Sa Bocaue, ayon kay Mayor Joni Villanueva, may 11,144 na tahanan ng mga pinakamahihirap sa bayan ang nauna nang nabigyan.
Nilinaw ng punong bayan na pamimigay sa ngayon ay kada isang bahay at hindi kada isang pamilya.
Kung higit pa sa isang pamilya ang nakatira sa iisang pamamahay, isa lang muna aniya ang maibibigay na food packs dahil matatagalan pa aniya bago matapos ang umiiral na Luzon Enhanced Community Quarantine.
Inuna naman sa Pandi na bigyan ang mga naninirahan sa mga pabahay ng National Housing Authority.
Ayon kay Mayor Rico Roque, ipinag-utos niya sa bawat tahanan sa pabahay na ilabas ang isang silya o bangku upang doon ilagay ang rasyon na pagkain. Layunin nito na lalong maipatupad ang social distancing.
Samantala, ipinoproseso na ng DSWD ang mga food packs na ipagkakaloob sa mga bayan ng San Ildefonso, Donya Remedios Trinidad, Norzagaray at Plaridel.
Bawat isang kahon ay naglalaman ng anim na kilo ng bigas, walong canned goods kung saan apat dito ay corned beef at apat naman na sardines.
Mayroon din itong kasamang anim na pakete ng kape na 3-in-1. Kayang pagsaluhan ito ng tatlo hanggang limang miyembro ng pamilya sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.