Idinaos ang kauna-unahang Longganisang Calumpit Festival sa Bulacan.
Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Ika-451 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng naturang bayan.
Ayon kay Mayor Glorime Faustino, layunin ng aktibidad na ganap na muling maipakilala ang Longganisang Calumpit na pamosong produktong likha sa bayan sa mahabang panahon.
Nagsilbing highlight nito ang paglalatag ng 514 metrong lamesa para sa idinaos na boodle fight na pangunahing ulam ay ang Longganisang Calumpit.
Bagama’t maraming mga uri ng longganisa ang maaaring mabili at matikman sa iba’t ibang panig ng bansa, sumikat ang Longganisang Calumpit dahil sa panonoot ng lasa ng bawang, asukal na pula, toyo, suka, asin, pamintang durog at kaunting sili.
Sa kabila ng maraming pampalasa na inihahalo sa giniling na karne ng baboy, hindi masyadong maalat at hindi rin masyadong matamis kaya’t lumalasa pa rin ang linamnam ng laman at taba ng karne.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines at mga lokal na historyador sa Bulacan, mauugat mula pa noong Kalakalang Galyon ang simulain ng pagkakatuto ng mga sinaunang tagarito sa paggamit ng mga pampalasa sa pagluluto ng mga potaheng karne upang mawala ang lansa.
Matatandaan na kabilang sa mga ruta sa Pilipinas ng Kalakalang Galyon mula taong 1565 hanggang 1815, ang mga kailungan ng Angat sa Calumpit at ang Rio Grande de Pampanga na may bahagi na dumadaan din sa nasabing bayan.
Naging mekanismo ang sinaunang kalakalan upang makapagpalitan ng mga kalakal na pampalasa mula sa Asya at Timog Amerika na may pangunahing ruta sa pagitan ng Maynila sa Pilipinas at Acapulco sa Mexico.
Patunay dito ang pagkakadaong ng isa sa mga barko ng Kalakalang Galyon sa Meyto sa Calumpit, kung saan nagtirik ng Krus ang mga misyonerong sakay nito na naging hudyat ng pagpasok ng Katolisismo sa Bulacan.
Ito ngayon ang kinalalagyan ng sikat na Meyto Shrine ng Calumpit.
Sinundan ito ng pagkakatatag ng parokya at ng pagiging isang bayan ng Calumpit noong Marso 1572.
Sang-ayon sa tradisyon ng mga Kastila, naitatatag ang bayan kung kailan naitatag ang parokya at ang kapistahan ng patron nito.
Sa pagkakaugnay ng mga makakasaysayang pangyayari sa bayan, ito ang nagbusod upang maiangkop ang pagdaraos ng kauna-unahang Longganisang Calumpit Festival sa araw na ipinagdiriwang ang pagkakatatag ng bayan.
Sa kasalukuyan, iba’t ibang flavor at luto na ang nagagawa mula sa Longganisang Calumpit sa tulong ng Shared Service Facility na ipinagkaloob ng Department of Trade and Industry sa nakalipas na mga taon.
Mayroon na ring ilang gumagawa ng Longganisa na pasado ang kalidad sa pamantayan ng Food and Drug Administration.