Unang National Rabbit Congress, isinagawa sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS – Upang mapaunlad ang industriya ng pagkukuneho na nilalayong kilalanin bilang isang pangunahing pangkabuhayan sa Pilipinas, nagsagawa ng dalawang araw na programa ang Association of Rabbit Meat Producers, Inc. (ARaMP) sa pakikipagtulungan ng Bulacan Agricultural State College (BASC) na tinawag na “1st National Rabbit Congress” sa BASC, Brgy. Pinaod, San Ildefonso, Bulacan mula Pebrero 27-28, 2020.

May temang “Karne ng Kuneho para sa Kalusugan at Kabuhayan”, daan-daang mga delegado mula sa mga pambansang ahensiya at stakeholders sa buong bansa ang dumalo sa programa, kung saan layunin nitong madagdagan ang kamalayan ng karamihan patungkol sa rabbit production bilang mapagkukunan ng kita at upang ipakilala ang karne ng kuneho bilang alternatibong pagkukunan ng protina at nutrisyon. 

Ayon kay Artemio C. Veneracion, pangulo ng ARaMP, Inc., magtatayo ang kanilang organisasyon ng rabbit research center sa BASC upang palakasin ang industriya ng pagkukuneho. 

“Hindi po ako expert sa rabbit industry but through research, mapag-aaralan po nating mabuti iyan. Kaya kanina po, isinagawa natin ang groundbreaking ng Rabbit Research and Development Center that we will establish here in BASC. Not only the BASC will be the center of rabbit industry but the whole province of Bulacan,” ani Veneracion. 

Ipinabatid din ni Gobernador Daniel R. Fernando sa pamamagitan ni Provincial Veterinary Officer Dr. Voltaire Basinang ang hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na suportahan ang industriya ng pagkukuneho sa lalawigan. 

“Batid ko po ang hangarin ng inyong samahan na gawing “Rabbit Capital of the Philippines” ang Bulacan kaya’t makakaasa po kayo na buo ang suporta ko sa inyong mga adhikain. Sa ngayon, kailangan nating bigyang kaalaman at kamalayan ang mamamayan sa pagkain ng karne ng kuneho,” ani Basinang. 

Samantala, sinabi naman ni Rodrigo “Jiggy” D. Manicad, isa sa mga panauhing tagapagsalita sa programa, na karamihan sa mga tao ay hindi pa edukado sa benepisyong hatid ng pagkain ng karne ng kuneho at bilang isang host ng isang programa sa telebisyon na may kinalaman sa agrikultura, nangako siya na tutulong sa pagpapakalat ng imporasyon at kaalaman sa mga tao. 

“Kulang na kulang po sa education ang mga tao na ang rabbit meat po pala ay pwedeng pagkunan ng mataas na protina at magandang uri ng karne. Nakikita ko po na malaki ang potensiyal ng rabbit industry sa export market kaya katulong ninyo po ako sa pag-educate sa mga tao tungkol dito,” ani Manicad.

Bilang bahagi ng dalawang araw na programa, magsasagawa din ngayong araw ng seminar sa BASC tungkol sa meat processing na pangungunahan nina Salve D. Chavez at Analene G. Soliven, mga kinatawan mula Bureau of Animal Industry. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews