LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Nirerepaso ngayon ng Department of National Defense o DND ang mga probisyon ng 1951 Mutual Defense Treaty o MDT ng Pilipinas at Estados Unidos kung may katuturan pa sa kasalukuyang panahon.
Sa isang panayam sa katatapos na pagkakaloob ng mga housing units para sa mga Wounded-In-Action Soldiers and Wounded-In-Police Operation, sinabi ni Kalihim Delfin Lorenzana na gusto niyang suriin ang MDT dahil nung ginawa iyon ay kasagsagan ng Korean War at ang communist insurgency ay talagang malakas sa Timog Silangang Asya at sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Lorenzana na kabilang sa mga pangunahing probisyon na dapat repasuhin ay ang Article IV na nagsasaad ng “Each Party recognizes that an armed attack in the Pacific area on either of the Parties would be dangerous in accordance with its constitutional processes.”
Ang MDT ay isang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos noong Agosto 30, 1951 sa Washington D.C., kung saan nangako ang dalawang bansa sakaling may umatake sa kani-kanilang teritoryo, ay magtutulungan.
Sinaksihan ito nina Pangulong Elpidio Quirino at Pangulong Harry Truman ng Amerika.
Sa ngalan ng pamahalaan ng Pilipinas, nakalagda si Foreign Affairs Secretary Carlos P. Romulo, Philippine Ambassador to the United States Joaquin Miguel D. Elizalde, Senador Vicente Francisco at noo’y Kinatawan ng Pampanga Diosdado P. Macapagal.
Sa ngalan naman ng pamahalaan ng Estados Unidos, nakalagda si Secretary of State Dean Acheson, Senador John Foster Dulles, Senador Tom Connally at Kinatawan ng Wisconsin Alexander Wiley.
Nagsisilbing balangkas ang MDT ng mga sumunod pang kasunduan na pinasok ng Pilipinas at ng Estados Unidos gaya ng Military Bases Agreement, Military Assistance Agreement, the 1999 Visiting Forces Agreement, pagiging non-North Atlantic Treaty Organization Ally mula 2003 at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement of 2014.