Vaccination Center sa FAB, binuksan; 202 economic frontliners, binakunahan!

Binakunahan ang 202 manggagawa ng Freeport Area of Bataan (FAB) kasabay ng opisyal na paglulunsad ng 1Bataan FABakuna Center (1Bataan FABCen) sa Standard Factory Building #7 (SFB 7), Industrial Area, Freeport Area of Bataan (FAB), kasabay ang ribbon-cutting at ceremonial blessing ng pasilidad nitong Hueves.

Pinangunahan nina Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) Administrator Emmanuel D. Pineda, Bataan Governor Albert S. Garcia, Bataan Provincial Health Office (PHO) Chief Dr. Rosanna Buccahan, Mariveles District Hospital (MDH) Chief Dr. Hector Santos  at Mariveles Municipal Mayor Jocelyn Castaneda ang aktibidad kasama rin ang mga kinatawan mula sa Department of Health (DOH), Philippine Red Cross, Mariveles Mental Wellness and General Hospital (MMWGH), at Earth & Shore Group of Companies na siyang mga katuwang upang maisakatuparan ang programang ito. 

“Malaking hakbang ito patungo sa muling pagbangon ng FAB, ng bayan ng Mariveles, at probinsya ng Bataan. Patunay ito na nagkakaisa tayo at laging handing tumulong sa ating kapwa,” wika ni Administrator Pineda.

Kaugnay ng pagbubukas ng vaccination site, ibinahagi ni Bataan Governor Albert S. Garcia ang plano ng pamahalaan ng Bataan ukol sa pag-abot nito ng herd immunity sa probinsya.

“Ang ating strategy po ay napakasimple pero napakahalaga sa kaligtasan nating lahat. Gusto po nating maging kauna-unahang probinsya sa buong Pilipinas na magkaroon ng herd immunity para protektado po tayong lahat,” pahayag ni Governor Garcia. 

Nagsagawa rin ng ceremonial vaccination sa dalawang manggagawa bilang hudyat ng pagsisimula ng operasyon ng nasabing vaccination site na sinundan ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ng mga kinatawan na nagsama-sama sa pagbuo ng proyekto.

Ang 1Bataan FABCen ang ikalawang inisyatibo sa ilalim ng FABayanihan na bunga ng pakikipagtulungan nito sa iba’t-ibang ahensya at organisasyon upang tugunan ang pangangailangan ng miyembro ng komunidad ng FAB. Tinatayang 500 manggagawa ang paunang mabibigyan ng unang dose ng bakuna ngayong linggo.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews