Vaccination roll out plan sa Bulacan pinabilis upang makamit ang herd immunity

LUNGSOD NG MALOLOS- Iniutos ni Gobernador Daniel Fernando ang pagpapabilis ng implementasyon vaccination rollout plan o disenyo ng lalawigan upang mabakunahan ang higit dalawang milyon pang Bulakenyo para makamit ang herd immunity sa ginanap na Provincial Task Force (PTF) on COVID-19 Meeting kamakailan.

“Ito ngayon ang focus natin, mabilis at maayos na sistema ng vaccination. Tulungan natin ang mga bayan at lungsod sa sistema ng pagbabakuna at mga barangay. Tamang oryentasyon at pagsasanay ang kailangan upang mapabilis at maiayos ang lahat ng bagay na iyan lalo na sa pagbabakuna,” anang gobernador.

Aniya, ang pagbabakuna ay nasa ilalim ng pamamahala ng mga lungsod at bayan ngunit tutulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamahala lalo na at parating ang tuluy-tuloy na suplay ng bakuna.

“Magdisenyo tayo at magtakda ng mega vaccination sites gaya ng nakikita sa ibang bansa. Consider ang pagbabakuna sa bahay-bahay para sa mga maysakit at mga nakatatanda. Let us tap our community workers and volunteers. Seek the help of private doctors. Maglunsad tayo ng bayanihan sa bakuna,” suhestiyon ni Fernando.

Binanggit din niya na ayon kay Vaccine Czar Kalihim Carlito Galvez, Jr., isa ang Bulacan sa mga prayoridad na lalawigan para sa alokasyon ng bakuna dahil isa ito sa mga lalawigan na nasa center of gravity ng virus.

Ayon sa ulat ni Dr. Hjordis Marushka Celis, PTF on COVID-19 Response Cluster Head, may kabuuang 80,313 Bulakenyo ang nabakunahan na ng kanilang unang dose habang 19,154 naman ang nakakumpleto na ng dalawang dose ng bakuna sa COVID-19.

Idinagdag din niya na 33,849 ang naturukan ng Sinovac at 46,464 ng AstraZeneca para sa kanilang unang dose; habang 17,505 ang tumanggap ng Sinovac at 1,649 ang nabakunahan ng AstraZeneca para sa kanilang ikalawang dose.

Ipinaalam din niya sa mga dumalo na tumanggap ang Bulacan ng 55,619 doses ng Sinovac at 76,810 doses ng AstraZeneca para sa unang dose; at 55,619 doses ng Sinovac at 18,430 doses ng AstraZeneca para sa ikalawang dose mula sa pamahalaang nasyunal.

Sa kabuuang alokasyon ng lalawigan, 88.65% para sa unang dose at 79.70% para sa ikalawang dose ang naipamahagi na sa mga vaccination sites.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews