Tuluy-tuloy ang ginagawang pagbabakuna sa mga prayoridad na sektor sa Bulacan.
Ayon kay Provincial Health Office Health Education Promotion Officer Patricia Alvaro, nasa 35,959 na mga Bulakenyong nababakunahan na kung saan 863 sa kanila ay tumanggap na ng second dose.
Kasabay nito ang sunud-sunod na pagdating ng mga suplay ng bakuna laban sa COVID-19 sa Bulacan Vaccination Center na nasa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos.
Nasa 42,449 doses na ng mga bakuna ang naipapadala ng Department of Health sa Bulacan mula noong Marso kung saan 24,019 doses ang Sinovac habang 18,430 ang AstraZeneca.
Tiniyak ni Alvaro na maayos na naipapatupad sa Bulacan Vaccination Center ang mga itinakdang patakaran sa COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 na nilagdaan ni Pangulong Duterte bilang Republic Act 11525.
Partikular dito ang maayos na sistema ng pagkakaloob ng COVID-19 Vaccination Card sa bawat nabakunahan ng unang dose.
Nakasulat doon ang mga petsa kung kailan unang binakunahan at kailan naman babalik para sa pangalawang dose. Ito’y upang masegurong makabalik sa itinakdang petsa para sa pagtuturok ng pangalawang dose ng bakuna.
Mababasa rin sa naturang vaccination card ang contact number ng medical professional na maaaring tawagan sakaling mangailangan ng tulong medikal matapos bakunahan.