LUNGSOD NG MALOLOS — Sinimulan na ang roll-out sa lungsod ng San Jose del Monte gamit ang bakunang AstraZeneca.
Unang nabakunahan ang Chief Operating Officer ng Qualimed Hospital na si Ramon Abadilla kasama ng 83 iba pang medical frontliners ng nasabing ospital.
Ito ang kauna-unahang Level 2 private hospital sa lalawigan na nagsagawa ng pagbabakuna.
Target ng lungsod na mabakunahan ang may 1,732 medical frontliners nito.
Ayon kay Mayor Arthur Robes, buo ang kanyang suporta sa vaccination program ng pamahalaan.
Ito rin anya ang simula ng recovery hindi lamang ng mga San Joseños kung hindi ng buong banasa at mundo.
Samantala, dumating na din ang 640 doses ng AstraZena vaccines sa lungsod ng Meycauayan.
Target na mabakunahan nito ang mga frontliners sa ospital ng Nazarenus Hospital, Meycauayan Doctors at Marymount Hospital.
Nagpalabas naman ng kautusan ang ilan bayan sa lalawigan upang paigtingin ang pag-iingat sa sakit na COVID-19.
Ilan sa mga naglabas ng Kautusang Pang-Ehekutibo ang mga bayan ng Pulilan, Hagonoy, Plaridel at Sta. Maria.
Kasama sa mahigpit na ipapatupad ang pagtakda ng curfew hours simula alas-diyes ng gabi hanggang alas-singko ng umaga, muling pagbabawal sa pagbebenta, pag-iinom ng alak o liquor ban, pag rerehistro sa QR code para sa contact tracing at pagtalima sa minimum public health standards.
Sa mass gathering o malakihang pagtitipon, kailangan ang pahintulot mula sa Tanggapan ng Punong Lalawigan at kailangan sumunod sa 50 porsyento venue capacity lamang.