Pormal na sinimulan ngayon sa bayan ng Hermosa ang Vax on Wheels Mobile Vaccination Station na may temang “kahit saan pupuntahan, para kayo ay bakunahan.”
Nagsilbing pilot area ang Barangay Bamban, isang upland village kung saan nasa mahigit 300 residente rito ang nabakunahan kontra COVID-19.
Pinangunahan nila Bataan Governor Abet Garcia at Hermosa Mayor Jopet Inton ang pasinaya kasama ang mga opisyal at personnel ng DOH, Bataan Provincial Health Office, Municipal Health Office headed by Jose Bismark Abad, Bamban Barangay Council sa Pangunguna ni PB Medardo “Daks” Miranda. Dumating din sila Bokal Bong Galicia, SP Committee on Health Chairman, Dr. Rosanna Buccahan, PHO chief at Municipal Administrator Rex Jorge.
Nagsilbing vaccination area ang dating Bataan Dental Health bus mula sa DOH na naiconvert para lugar sa pagbabakuna sa naturang programa ng Bataan PHO.
Ang Bamban Elementary School ang ginawang registration area habang ang covered court ng Bamban ang ginawang screening, validation, counseling/consent monitoring areas, at lugar kung saan nakahimpil ang vaccination bus.
Ayon kay Mayor Jopet Inton, ang Bamban Elementary School din ang magsisilbing vaccination area sa mga kalapit pang upland barangay dito sa mga susunod na araw.
Ayon naman kay Governor Garcia, nakatakdang magdagdag pa ng buses ang PHO para mas maraming mapuntahang barangay ang Vax on Wheels Program.
Layon ng naturang programa na mas mapadali para sa mga Bataeño ang makapagpabakuna kontra COVID-19 bilang isa sa mga mabilis na pamamaraan para makamit ang target na herd immunity ng lalawigan bago matapos ang taong 2021.
As of August 17, 2021 ay umabot na sa
120,000 ang fully vaccinated at 169, 505 ang naturukan ng unang dose ng iba’t ibang anti-Covid19 vaccines sa buong Bataan.