Nakitaan ng patong-patong na mga paglabag sa environmental laws ang operator ng Hermosa Sanitary Landfill facility sa Brgy. Mambog, Hermosa sa lalawigan ng Bataan.
Ito ang inilabas na report ng DENR -Environmental Management Bureau (EMB) matapos ang liham-apela ni Hermosa Mayor Antonio Joseph “Jopet” Inton na silipin ng ahensya ang panganib na idinudulot ng sanitary landfill sa mga residente sa lugar.
Inisa-isa ni EMB Director William Cunado at technical working group mula sa DENR central office ang mga violations ng ECONEST Waste Management Corporation, ang operator ng landfill facility.
Kabilang sa mga ito ang non-compliance sa probisyon ng Republic Act 6969 o ang toxic substances and hazardous and nuclear waste act of 1990, kawalan ng emergency preparedness plan, safe closure plan at rehab plan, paglabag sa specific provisions ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Ayon sa DENR-EMB, wala rin umanong maipakitang TSD category permit ang ECONEST, pero batay sa comprehensive inspection na isinagawa ng ahensya nitong nakalipas na August 3 at 4 ay nadiskubre ng EMB technical team na tumatanggap ito ng mga biomedical o hazardous waste.
Batay sa sulat ni Mayor Inton sa DENR noong 2019 isinumbong nito ang tumatagas na katas ng basura na papunta sa Mambog Creek na ang huling hantungan ay karagatang bahagi ng Manila Bay.
Bagamat una nang pinatawan ng LGU ng temporary closure order ang ECONEST nitong nakalipas na buwan ng Pebrero 2020, pero laking gulat umano ni Mayor Inton kung bakit taliwas sa report ng DENR-EMB ang inilabas ng DENR Region 3 office na ang tanging paglabag na nakita ay ang kawalan nito ng permit.
Dahil sa nakitang mga paglabag na ito, tiniyak ng DENR-EMB na mananagot sa ilalim ng mga umiiral na batas-pangkalikasan ang lahat ng may pananagutan partikular na ang anila’y pasaway na operator ng sanitary landfill facility sa Hermosa, Bataan.