Pwede pang makapag-apply ang mga nais magkaroon ng trabaho ngayong pinalawig ng Department of Labor and Employment o DOLE Bulacan ang idinadaos na Kalayaan 2021 Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Virtual Career Expo hanggang sa Sabado, Hunyo 19.
Ayon kay DOLE Provincial Director May Lynn Gozun, aabot sa 2,100 na mga bagong trabaho ang binuksan ng may 53 na establisemento sa lalawigan.
Sinumang interesadong aplikante ay kailangan lamang na magrehistro sa online platform na www.vantagehunt.com.
Mag sign-up bilang isang Job Seeker, ilagay ang numero ng cellphone, petsa ng kapanganakan, buong pangalan at hintayin ang text upang gumana o mag-activate ang iyong nirehistrong account.
Kumpletuhin ang pagrerehistro sa account sa pamamagitan ng paggawa ng online version ng resume.
Mag-attach ng soft copy na 2×2 na litrato at iupload ang mga kailangang scanned supporting documents. Kapag nakatanggap na ng kumpirmasyon, maaari nang magsumite ng mga aplikasyon sa mga nais pasukan.
Makikita sa official Facebook page ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office ang iba’t ibang uri ng trabaho o mga posisyon na iniaalok ng mga kumpanya at establisemento.
Kabilang sa mga trabaho ay nasa sektor ng construction, energy, manufacturing, retail, information and communication technology, health care and wellness, pharmaceuticals, business management, accounting and finance, legal, automotive, skills, agribusiness at food. Virtual din ang ginagawang interview sa pamamagitan ng nasabing mga online platforms. (CLJD/SFV-PIA 3)