Binibigyang-linaw ng tanggapan ng Bulacan Provincial Health Office (PHO) na walang community transmission o nangyayaring hawahan ng anumang uri ng COVID-19 variant sa nasabing lalawigan.Sa social media Facebook Page ng Bulacan-PHO, sinabi ni Dr. Hjordis Celis, Provincial Health Officer II na ang tatlong returning Overseas Filipino Workers (OFWs) na kinakitaan ng variants ay pawang magagaling na at kinukumpleto na lamang ang pag-quarantine sa mga ito.
Aniya, hindi dapat mabahala ang mga Bulakenyo kaugnay ng nasabing COVID-19 variant dahil wala umanong nahawa o nagkaroon ng community transmission buhat sa tatlong OFWs.
Nabatid na pagdating pa lamang ng mga ito sa bansa ay isinailalim na agad sila sa quarantine sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Quarantine Operations. “Nakatapos na ng quarantine ang mga returning OFWs nang lumabas ang resulta ng genome sequencing o ang proseso na isinasagawa upang malaman ang COVID-19 variant,” ayon sa PHO.Sinabi pa ni Celis na kahit “recovered” na ang mga ito ay mabilis pa ring naisagawa ang contact tracing ng mga Local Government Units (LGUs) kung saan umuwi ang mga returning OFWs at na-identify ang kanilang mga close contact.
Muling nag-quarantine ang mga returning OFWs gayundin ang pagsasagawa ng RT-PCR test sa mga naging close contacts nito kung saan negatibo ang lumabas na resulta ng karamihan sa mga ito.
Kabilang sa OFWs na kinakitaan ng Covid-19 variant ay isang 41-anyos na lalaki na nanggaling sa Qatar na taga-Bulakan, Bulacan na iniulat na walang naging close contact nang dumating sa bansa.
Isang 33-anyos na babae na nanggaling sa Dubai na taga-San Ildefonso, Bulacan at nagkaroon ng 11 close contacts na agad isinailalim sa RT-PCR test kung saan 1 ang nag-positibo at sila ay sumasailalim sa strict monitoring at quarantine ng LGU.
Residente naman ng Lungsod ng San Jose Del Monte ang 35-anyos na babae na dumating sa bansa mula sa United Arab of Emerates na nagkaroon ng 4 na close contact na pawang negatibo sa isinagawang RT-PCR test.
Dahil sa unti-unti na naman tumataas ang kaso ng Covid-19 sa lalawigan ay patuloy na nananawagan si Governor Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na huwag magpakampante at palagi aniyang sundin ang mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Ayon kay Fernando, dumating na ang ikalawang batch ng bakuna na 7,050 doses ng Astrazeneca vaccine mula sa DOH-Region 3. Unang dumating ang Sinovac vaccine para sa 900 frontline health workers.
Samantala, nagpatupad naman at kauna-unahan sa lalawigan ng Bulacan ng Executive Order ang Pamahalaang Bayan ng Pandi ng 7-oras na Municipality-wide curfew mula 9:30 ng gabi hanggang 4:30 ng umaga epektibo Marso 11, 2021.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, ang EO No. 018-2021 ay kaniyang ipinag-utos bunsod sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa labas ng munisipalidad ng bayan ng Pandi bilang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng naturang virus.
Pahayag pa ng alkalde, lubha siyang nababahala sa pagtaas ng datos ng covid case sa bansa at marami ang mga Pandienyo ang nakakalimot na sumunod sa itinakdang health protocols gaya ng di pagsuot ng face mask, face shield at paggamit ng alcohol at social physical distancing.
Paalala ni Roque, hindi pa aniya tapos ang laban ng bawat Pilipino sa Covid-19 kung saan sinabi nito na hanggat mayroong nagpo-positibo ay libu-libong tao ang malalagay sa peligro ang mga buhay.
Kabilang sa nasabing executive order ay ang paghihigpit sa mga borders o boundaries ng bayan ng Pandi na kumukonekta sa Metro Manila at paghihigpit sa mga pampublikong sasakyan na hindi sumusunod sa health protocols.
Nitong Biyernes ay nakapagtala ang Bulacan PHO ng 895 active cases, 12,176 recoveries mula sa 13,544 total confirmed cases at mayroong 473 nasawi.