Matapos ang siyam na taong pagtatago sa kasong parricide, naaresto ng intelligence operatives ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang lider ng isang kulto na si dating Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo Jr. kasama ang umanoy nagkanlong dito sa isang operasyon sa San Fernando City, Pampanga madaling-araw nitong Huwebes.
Base sa report, si Ecleo ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest kasama ang trusted man nito na si Benjie Fernan, 35, bandang alas 4:30 ng madaling-araw malapit sa isang golf course sa Lungsod ng San Fernando.
Si Ecleo, ang siyang lider umano ng kultong Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA), at nagtago mula pa noong 2011 makaraang makapagpiyansa para sa kasong “parricide” kaugnay ng pagpaslang umano nito sa sarili niyang asawa na si Alona Bacolod-Ecleo sa kanilang bahay sa Cebu City noong 2002.
Natagpuan ang katawan ng biktima sa loob ng isang garbage bag na itinapon sa isang kanal sa bayan ng Dalaguete.
“Guilty” ang naging hatol ng hukuman kay Ecleo noong Abril 2012 at hinatulan mabilanggo ng habambuhay at inutusan na magbayad ng P25 milyong danyos.
Dalawang milyong piso naman ang ipinatong sa kaniyang ulo noo’y Pangulong Noynoy Aquino para sa agaran nitong ikadarakip.
Bago ito ay guilty rin si Ecleo sa kasong graft ng Sandiganbayan laban sa kongresista noong siyay alkalde pa ng San Jose, Surigao Del Norte taong 1991-1994 at hinatulan na mabilanggo ng 31 taon pagkakulong.
Si Ecleo at Fernan ay kapwa ngayon nakapiit sa NCRPO detention cell at nakumpiska sa pag-iingat ng mga ito ang isang Toyota Grandia, fake IDs at cash na P170,000.
Si Ecleo ay itinuturing na No. 1 most wanted person ng Department of the Interior and Local Government’s list.