HERMOSA, Bataan – Sinalakay ng pinagsanib pwersa ng Hermosa PNP at ng Hermosa LGU ang isang Liquid Waste Treatment Plant sa Barangay Mambog, Hermosa, Bataan, Lunes ng umaga.
Pinangunahan ito ni Hermosa Mayor Jopet Inton katuwang ang Hermosa MENRO office, Hermosa PNP sa pamumuno ni Police Major Jeffrey Onde at Hermosa Marshals.
Ang pasilidad na niraid ay ang Udenna Environmental Services Inc., pag aari ng Udenna Corporation, isa sa mga kumpanya ng big time, Davao-based businessman na si Dennis Uy.
Ipinasara ito ni Mayor Jopet Inton dahil aniya sa reklamo ng mga residente rito at sa hinihinalang pagtatapon ng mga kemikal o improper disposal sa likurang bahagi ng plantang ito na pinaniniwalaang dumidiretso sa kailugan o waterways malapit dito.
Bukod sa mga kemikal na may labels na “toxic and hazardous” sa may tinatayang mahigit na 500 drums at chemical wastes containers ay nagkalat din sa compound ng kumpanya ang mga hospital wastes.

Kumuha na ng samples ng mga kemikal at water samples mula sa lugar na ito ang DENR para malaman kung gaano kalala ang naging damages o epekto nito sa kapaligiran.
As of press time ay hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag sa media ang naturang kumpanya.