LUNGSOD NG BALANGA — Ginunita ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan ang World No Tobacco Day sa Tucop Integrated School sa Dinalupihan.
Sa temang “We Need Food, Not Tobacco”, layunin ng okasyon na higit pang mapalawig ang kaalaman ng mga kabataan ukol sa mga panganib sa kalusugan at kalikasan na nauugnay sa paggamit ng tabako, gayundin ang pagsulong ng epektibong mga patakaran upang maiwasan ang paggamit nito.
Ayon kay Gobernador Jose Enrique Garcia III, hangarin ng pamahalaan na magkaroon ng malusog na pangangatawan at mahabang buhay ang mga Bataeño.
Kaya naman patuloy ang panawagan nito sa mga nasasakupan na patuloy na alagaan ang katawan at kalusugan sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga bisyo katulad ng paninigarilyo.
Dagdag pa rito, malaki ang maitutulong ng mga programang Healthy Paaralan, Tobacco-Free Generation at iba pang mga inisyatibong pangkalusugan ng Kapitolyo upang mapanatiling maayos ang kalusugan ng mga kabataan.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Dinalupihan Medical Officer Kyre Janne Ladao ang mga kabataan sa panganib na dala ng sigarilyo sa kalusugan.
Nagsilbing highlight ng aktibdad ang pagsasagawa ng isang ehersisyo, na sinundan ng spoken word poetry at oath of alliance para sa Tobacco-Free Generation advocacy.