‘Yes to ChaCha’ campaign inilunsad sa Samal, Bataan

Sinimulan ngayong Lunes ng lahat ng Kawani ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Samal sa pamumuno ni Mayor Aida Macalinao, kasama ang Kagawaran ng Edukasyon, mga Punong-Barangay, DILG, Samal MPS, at Samal BFP ang tugon sa panawagan na “bawat isa ay may tamang disiplina”, ang “Yes to Cha-Cha” o Character Change.

Ito ay bilang pagtalima ng Pamahalang Bayan ng Samal sa programang “Disiplina Muna”, isang national advocacy campaign ng Department of Interior and Local Government (DILG) para maging huwaran ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan katuwang ang iba pang ahensya at sektor ng gobyerno sa pagtataguyod at mahigpit na pagpapatupad ng disiplina sa kanilang mamamayan.

Ayon pa sa Alkalde, ang naturang hakbang ay para maitanim sa bawat Samaleño ang pagkakaroon ng disiplina sa kanilang mga sarili para sa mas epektibong paglilingkod bayan para sa maunlad at maayos na komunidad.
Sa adbokasiya ring ito, ayon pa sa DILG, ay para sa pagpapatuloy ng mga programang ipinapatupad ng pamahalaang nasyonal kabilang ang pagkakasa ng mga road clearing operations, anti-smoking campaigns, programa sa mga kabataan at iba pang proyekto hanggang sa lebel ng mga barangay.

Layon din nito na imulat ang mamamayan sa pakikiisa sa mga hakbang na makakatulong para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng buong bansa.
Kaugnay nito, hinikayat ni Mayor Macalinao ang publiko na suportahan at makiisa sa kampanyang ito. 

Sa mga darating na araw ay bibisita si Mayor Macalinao sa bawat barangay ng Samal para paigtingin ang kampanyang ito sa lahat ng mamamayang Samaleño.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews