Matapos mabakunahan nitong Lunes ang mga medical frontliners ng Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC) gamit ang CoronoVac, dumating na rin sa lalawigan ng Bataan ngayong Martes, ika-9 ng Marso, ang 142 vials ng AstraZeneca.
Ayon kay Governor Abet Garcia, ang Bataan ang kauna-unahang lalawigan sa Gitnang Luzon na nakatanggap ng nasabing mga bakuna mula sa Department of Health.
“Ang bawat vial ay may 10 doses kaya’t tayo ay tumanggap ng kabuuang 1,420 doses ng AstraZeneca. Magsasagawa na rin po ng agarang pagbabakuna ngayon at sa mga susunod na mga araw,” sabi pa ni Garcia.
Bukod sa BGHMC, ang mga medical frontliners mula sa Mariveles District Hospital, Dinalupihan District Hospital at iba pang pampublikong hospital sa Bataan ang tinukoy na recipients ng mga bakunang dumating.
“Ikinagagalak din po ng inyong lingkod ang malugod at walang alinlangang pagtanggap ng ating mga medical frontliners sa bakunang unang dumating sa ating lalawigan. Ang ibig pong sabihin nito ay nauunawaan nila ang kahalagahan nito para sa kanilang kaligtasan at ng kanilang buong pamilya,” dagdag pa ng Gobernador.
Muling hinihimok ng Gobernador ang mga kapwa niya Bataeño na makiisa upang malubos aniya ang kapakinabangan ng oportunidad na handog ng Gobyerno.
Ayon pa sa opisyal, napatunayan ng mga doktor at eksperto na ang bakuna ay ligtas at epektibo upang tuluyan nang mapuksa ang pandemya.