147 katutubo, libreng nakapag-aaral ng kolehiyo sa NEUST

Nasa 147 kabataang katutubo ang kasalukuyang naka-enrol at libreng nakapag-aaral ng kolehiyo sa Nueva Ecija University of Science and Technology o NEUST.

Ayon kay NEUST Center for Indigenous Peoples Education o CIPE Director Arneil Gabriel, nakatutok sila sa pag-agapay sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga ahensya, grupo o indibidwal na makatutulong sa kanilang edukasyon.

Aniya, pangunahing pangangailangan pa din ng mga estudyanteng katutubo ang mga kagamitan tulad ng laptop o tablet at internet connection para sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral ngayong nananatili ang banta ng pandemiya dulot ng COVID-19.

Kaugnay nito ay ipinagkaloob ng NEUST-CIPE ang computer set at internet connection booster sa Carranglan Campus upang magamit ng mga estudyanteng hirap sa pag-o-online.

Mismong mga estudyante ang pinapili ng lugar upang mapaglagyan ng internet booster at computer set na malapit sa kanilang komunidad o tirahan.

Sa suporta at pamumuno ni University President Feliciana Jacoba ay umaagapay din ang NEUST- CIPE sa paghahanap ng trabaho para sa mga katutubong mag-aaral na nakatapos na sa kolehiyo.

Kaniyang ipinahayag na maraming ahensiya ang nais na tumulong sa mga katutubo, ang kailangan lamang ay tagapagugnay at maipaalam ang pangangailangan ng sektor.

Hangad din ng NEUST-CIPE na patuloy makatulong sa mga katutubong komunidad na kinabibilangan ng mga mag-aaral gaya ang pamamahagi ng mga kaalaman at pagsasanay para sa pagkakaroon ng hanapbuhay.

Sa pagdami ng mga katutubong nag-aaral sa NEUST ay sinisikap ng pamantasang makatulong sa mga kailangan ng mga estudyante upang mapagaan ang kanilang pag-aaral hanggang sa makapagtapos ng kolehiyo na sa kalaunan ay sila namang tutulong sa kanilang mga komunidad at kapwa katutubo. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews