LUNGSOD NG MALOLOS — Aabot sa 20,885 na mga manggagawang Bulakenyo sa pribadong sektor ang target mapagkalooban ng tig-limang libong pisong ayuda sa ilalim ng COVID-19 Adjustments Measures Program o CAMP ng Department of Labor and Employment o DOLE.
Ayon kay DOLE Provincial Director May Lynn Gozun, may kabuuang 104.42 milyong piso ang alokasyon ng ahensya para sa manggagawa sa lalawigan na pansamantalang nahinto sa trabaho dahil sa umiiral na Luzon Enhanced Community Quarantine.
Nito lamang Abril 13, may 12,353 manggagawa mula sa 417 na establisyemento ang napagkalooban ng naturang tulong. May 8,532 pang mga manggagawa ang nakatakdang mabiyayaan pa.
Ipinaliwanag ni Gozun na matutukoy kung saan-saang mga kumpanya pa magmumula ang iba pang benepisyaryo kapag nakapagsumite na ito ng mga rekisito sa ngalan ng kanilang mga manggagawa.
Kaya naman hinikayat ng DOLE Bulacan ang iba pang mga employers sa lalawigan na asikasuhin na agad ang mga rekisito para makakuha ng ayuda ang kani-kanilang mga manggagawa mula sa CAMP.
Binigyang diin pa ni Gozun na kinakailangang maasikaso agad ng mga employers ang mga documentary requirements upang umandar na ang application procedures nang mailabas na agad ang nasabing ayuda.
Kabilang sa mga rekisito na dapat isumite ng mga employers sa DOLE Bulacan ay ang Establishment Report on the COVID-19, na naaayon sa Labor Advisory No. 9 series of 2020, at Company Payroll sa buwan na bago ang pansamantalang pagsasara.
Hindi kailangang dalahin sa mismong opisina ng DOLE Bulacan ang aplikasyon.
Maari itong i-email sa [email protected] o sa [email protected]. Ipoproseso ang nasabing aplikasyon sa loob ng three working days mula sa pagkakatanggap nito.
Magrereply ang ahensya ng kanilang Notice of Approval o Notice of Denial upang malaman kung kwalipikado o hindi ang mga manggagawa na makakuha ng CAMP.
Kung aprubado, ang DOLE Regional Office ay direktang ipadadala sa payroll account ng benepisyaryo ang ayuda sa pamamagitan ng bangko o money transfer.
Ang pamamahagi ng naturang financial assistance ay bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Bukod sa DOLE, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development at Department of Agriculture.