24 stranded students sa Baguio, nakauwi na sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN — Sa tulong ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ay nakauwi na sa lalawigan ang 24 mag-aaral na na-stranded sa lungsod ng Baguio.

Ayon kay Governor Aurelio Umali, nakipag-ugnayan ang kapitolyo sa tanggapan ng pamahalaang lungsod ng Baguio hinggil sa kahilingang makauwi ang mga mag-aaral na na-stranded simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine o ECQ. 

Ito ay bahagi ng programang Balik Probinsiya ng tanggapan upang umagapay sa mga kababayang naipit sa ECQ dahil sa pag-aaral at trabaho na nais nang makauwi at makasama ang pamilya. 

Pahayag ng gobernador ay siniguro ng pamahalaang panlalawigan ang pagsunod sa mga patakaran gaya ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa mga uuwing residente na kinakailangang abisuhan sa pagsasagawa ng quarantine. 

Gayundin ay kinakailangang humingi ng permiso sa panggagalingang lokalidad upang sila ay payagang makabyahe. 

Noong Mayo uno ay tumulak ang mga kawani ng kapitolyo sakay ng dalawang shuttle bus upang sunduin ang mga mag-aaral sa Baguio. 

Bago payagang makauwi ay dumaan muna sa medical check-up ang mga mag-aaral upang matiyak na hindi sila nakararanas ng anumang sintomas ng COVID-19. 

Pahayag ni Umali, mayroon ding mag-aaral ng Nueva Ecija University of Science and Technology na kumuha ng on-the-job training sa Boracay na nakauwi na din sa lalawigan.  

Paglilinaw ng gobernador, kailangang maging maingat sa pagpapauwi ng mga kababayan sa lalawigan lalo na’t karaniwan sa mga suspected, probable patient at mga positibong kaso ng coronavirus disease sa lalawigan ay bumyahe mula sa ibang lugar. 

Kabilang aniya sa mga dapat bantayan ay ang mga umuuwi galing ibang bansa na kinakailangang dumaan muna sa mga pagsusuri bago makauwi sa lalawigan

Samantala, nagpaabot ng pasasalamat ang mga mag-aaral at kanilang pamilya sa agapay ng pamahalaang panlalawigang makauwi at makapiling ang mga mahal sa buhay.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews