LUNGSOD NG MALOLOS — Umarangkada na ang mga dyip na binigyan ng special permits ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB upang makabiyahe sa may mga 25 ruta sa Bulacan.
Ayon kay LTFRB Spokesperson Megan Dela Cruz, bagama’t hindi pa 100 porsyento umaandar ang mga dyip sa kani-kanilang mga ruta, karamihan sa mga ito ay napayagan nang bumiyahe upang mapunan ang pangangailangan sa transportasyon ngayong umiiral pa ang General Community Quarantine.
Sa lungsod ng Malolos na kabisera ng Bulacan, pinayagan nang makabiyahe ang mga dyip na tinatawag na “Karatig.”
Ito ang mga uri ng dyip na semi-owner type na mahaba na umiikot lamang sa kalungsuran. Ang biyahe nito ay mula sa kabayanan ng Malolos papuntang Kapitolyo at mga kalapit na barangay ng Mojon at Lugam.
Ang mga pinakamahabang ruta ng dyip sa Bulacan ay bumibiyahe na rin gaya ng Calumpit-Meycauayan via Mac Arthur Highway, Baliwag-Meycauayan via Maharlika-Mac Arthur Highway at ang Baliwag-San Miguel via Maharlika-DRT Highway.
Maging ang rutang Malolos-Super Meycauayan na dumadaan sa North Luzon Expressway ay nagbalik-biyahe na rin. Ito ang rutang pinapatakbo sa pamamagitan ng mga airconditioned jeepneys sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng LTFRB.
Sa mga dumadaan sa dalampasigan ng Bulacan sa Manila Bay, may biyahe na ang Hagonoy-Malolos via Paombong, Hagonoy-Meycauayan via Calumpit, Malolos-Bulakan via Atlag at ang Bulacan-Obando.
May masasakyan na rin ang mga biyahero na tumatawid mula sa kanluran papunta sa silangang bahagi ng lalawigan gaya ng Calumpit-Pulilan, Malolos-Plaridel, Balagtas-Pandi, Marilao-San Jose Del Monte, Sampol Bulac-Meycauayan, Meycauayan-San Jose Del Monte at ang Sto. Nino-Meycauayan.
May dyip na rin sa mga rutang umaakyat sa kabundukan ng Bulacan gaya ng Angat-Baliwag via Bustos, Angat-Meycauayan via Norzagaray-Santa Maria, Angat-Santa Maria via Siling Matanda-Pandi.
Samantala, sa lungsod ng San Jose Del Monte na may pinakamataas na bilang ng populasyon sa Bulacan na mahigit sa isang milyon, binuksan na rin ang mga ruta ng dyip. Kabilang diyan ang Licaw-Licaw- Tungkong Mangga via Icay-Sto. Cristo, Minuyan-Sapang Palay via Kaypian Road, Grotto-Sapang Palay via Tungkong Mangga at San Jose Del Monte-Tungkong Mangga via Grotto 2.