Pandi nakapagtala ng 9th wave food pack relief distribution

Nakapagtala ng siyam na food pack relief distributions ang pamahalaang lokal ng Pandi, Bulacan mula nang ipatupad ang lockdown o community quarantine dulot ng coronavirus disease sa bansa.

Nabatid na tanging ang bayan ng Pandi ang nakagawa nito sa buong lalawigan sa nagdaang Enhanced, Modified hanggang General Community Quarantine na ipinatupad ng national government mula nang panahon ng pandemiya.

Dahil ito sa inisyatibo at pamamahala ni Mayor Enrico Roque na lubos na tinutukan ang kalagayan ng 22 barangay sa nasabing bayan habang nasa ilalim ng ECQ, MECQ at GCQ.

Ayon kay Roque, dama niya ang paghihirap ng bawat pandieño na lubos na naapektuhan ng pandemiya kayat sa pamamaraan makapaghatid ng pangunahing pangangailangan ng kaniyang kababayan ang sinikap ng pamahalaang lokal na maisagawa at maihatid ang serbisyong may malasakit.

Una rin ang bayan ng Pandi na magsagawa ng tamang social distancing sa pamamahagi ng food packs sa mga barangay sa pamamagitan ng paglalagay ng silya sa harap ng mga bawat bahay.

Ayon sa alkalde, sama samang tulong at suportang ayuda mula sa pamahalaang bayan ng Pandi, kapitolyo mula kay Gobernador Daniel Fernando, mga barangay at mga pribadong sektor kung kayat umabot sa 9th wave ang relief distribution sa buong bayan ng Pandi.

Ang bayan din ng Pandi ang unang nakapaglagay ng 2 agad na quarantine facilities kaya naman hindi gaanong nagkaroon ng covid-19 positive sa nasabing bayan.

Dobleng effort ayon kay Roque ang kanilang ginagawa para sa mga nagpositibong pasyente kung saan bantay sarado ng mga health at volunteers frontliners ang mga positibo, suspek, PUI at PUM.

Umani naman ng papuri at pasasalamat ang mga Pandieño sa ipinamalas na pagmamahal at malasakit ng alkalde sa kaniyang mga nasasakupan ngayon umiiral pa rin ang GCQ hanggang sa katapusan ng Hunyo.