2,500 Novo Ecijano, nabiyayaan sa programang AICS ng DSWD

Humigit kumulang 2,500 Novo Ecijano ang nabiyayaan sa inisyal na pamamahagi ng tulong pinansyal ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.

Ito ay pinangasiwaan mismo ni Senador Imee Marcos na siyang Chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.

Pahayag ng senadora, ito ay paunang tulong ng pamahalaan sa mga nangangailangang mamamayan habang patuloy na ibinabangon ang ekonomiya dahil sa naging epekto ng pandemya gayundin sa nararanasang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 

Kabilang sa mga inisyal na nakatanggap ng tulong mula sa DSWD ang 1,000 benepisyaryo mula sa lungsod agham ng Muñoz, 1,000 benepisyaryo mula sa bayan ng Talavera at 500 sa lungsod ng Cabanatuan na kinabibilangan ng mga higit na nangangailangang mamamayan tulad ang mga solo parent, senior citizen, at persons with disability.

Pinangasiwaan din ni Senador Marcos ang pamamahagi ng noche buena gift pack sa bukod pang isanlibong benepisyaryo mula sa mga barangay ng Mabini Extension, Mabini Homesite at Sta. Arcadia sa lungsod ng Cabanatuan. 

Ito ay naglalaman ng hamon, spaghetti bundle, mga sariwang gulay, mga laruan para sa mga bata at iba pang regalo na ipinagkaloob para sa nalalapit na pagsapit ng holiday season.  

Katuwang sa pamamahagi ng ayuda ng DSWD at opisina ni Senador Marcos ang mga pamahalaang lokal ng Science City of Muñoz, Talavera at Cabanatuan. 

Ang mensahe ng senadora, sa mga nararanasang suliranin ay mayroon at maraming maaaring solusyon kabilang na ang pagtutulungan ng bawat isa.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews