300 dating nagdodroga sa Santa Maria, nireporma at nagkatrabaho

SANTA MARIA, Bulacan (PIA) — Tuluyan nang nagbagong buhay ang may mahigit 300 na personalidad na dating gumagamit ng iligal na droga sa barangay Pulong Buhangin sa bayan ng Santa Maria.

Iyan ang iniulat ni Punong Barangay Raymund Castaneda na siya ring Pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Santa Maria sa ginanap na Kabataan Kontra Droga at Terorismo Youth Forum Season II  na kapwa inorganisa ng Sangguniang Kabataan at pamahalaang barangay sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

Sinabi ng kapitan na matapos ang halalang pambarangay noong 2018, nakapagtala ang barangay Pulong Buhangin ng may 333 mga personalidad na mga gumagamit ng iligal na droga. 

Sa bilang na ito, siyam ang patay na at anim ang patuloy pang nirereporma habang ang karamihan ay nabigyan na ng trabaho. 

Kabilang sa mga trabahong naipagkaloob ay pagiging barangay tanod, construction workers, karpintero, welders at iba pang skills sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority.

Bunga ito ng matagumpay na rehabilitasyon sa nasabing personalidad sa sariling reformation center ng pamahalaang barangay. 

Ang Pulong Buhangin ay pinakamalaking barangay sa Santa Maria na may sukat na mahigit sa isang libong ektarya, at siya ring may pinakamataas na bilang ng populasyon na aabot sa 42 libo. 

Nagsisilbi ring hangganan ng Santa Maria at Norzagaray ang nasabing barangay.

Dahil dito, sinabi ni Santa Maria Chief of Police Lieutenant Coronel Jaime Quiocho Jr. na kandidato ang barangay Pulong Buhangin para tuluyang maideklarang drug-free kapag naging matagumpay ang pagrereporma sa natitirang anim. 

Binigyang diin din ni Quiocho na malaki ang naitulong ng pagpapatayo ng pamahalaang barangay ng Police Community Precinct sa tabi mismo ng barangay hall. 

Araw-araw ay may 6 hanggang 10 pulis ang nakadestino rito at nagsasagawa ng mga ronda at police visibility sa bahaging ito ng Santa Maria. 

Samantala, nagkaloob din ng isang mobile patrol ang pamahalaang barangay para sa lalong pagpapaigting ng kampanya laban sa iligal na droga at iba pang uri ng krimen, hindi lamang sa nasasakupan nito kundi sa mga kalapit ding lugar. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews