May 300 sako ng basura ang nakolekta ng mga tauhan ng Bulacan Environment and Natural Resources Office o BENRO sa isinagawang waterway cleaning activity sa barangay Ulingao, San Rafael.
Ayon kay BENRO Chief Juvic Degala, nakapaloob ang pagsasagawa ng mga clean-up drive at waterway cleaning sa 10-Point Agenda ni Gobernador Daniel Fernando na Mabiyayang Kalikasan at Malinis na Kapaligiran.
Idinagdag pa ni Degala na napagkasunduan ng kinatawan mula sa National Irrigation Administration at Municipal Environment and Natural Resources Office ng San Rafael na hindi lamang regular na waterway cleaning ang kailangan kung hindi maigting na kampanya sa pamamagitan ng information and education campaign para sa pagbabawal magtapon ng basura sa lahat ng uri ng katubigan.
Hinihikayat din ni Degala ang pakiisa ng mga punong barangay upang malinis na ang lahat ng daluyan ng tubig sa lalawigan.
Bago ang waterway clean-up sa San Rafael, may 150 sako rin ng mga lumulutang na basura ang nakolekta ng BENRO sa cleaning operation sa mga daluyan ng tubig sa barangay Tawiran, Obando noong nakaraang buwan.
Ayon kay Fernando, patuloy ang pamahalaan panlalawigan katuwang ang iba pang ahensiya ng gobyerno para sa programang pangkalikasan na magpapanatili ng kalinisan ng kailugan sakop ng probinsya.
Ang sunod-sunod na waterway clean-up drive ay tugon ng pamahalaang panlalawigan sa ipinalabas ng mandamus ng Korte Suprema sa 13 ahensya ng pamahalaan na linisin, i-rehabilitate at pagpreserba sa Manila Bay, maibalik at mapanatili ang SB level na kalidad ng tubig na pwedeng paliguan, skin diving o iba pang uri ng water recreation. (CLJD/VFC-PIA 3)