Nasa 36 Bataeñong beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Kapitolyo.
Ito ay alinsunod sa Provincial Ordinance No.3 o “An Ordinance Declaring Living Bataeño World War ll Veterans as Living Treasures and Symbols of Courage, Bravery and Sacrifice and Institutionalizing the Benefits accorded to them by the Provincial Government of Bataan.”
Ipinaliwanag ni Governor Jose Enrique Garcia III na sa ilalim ng ordinansang ito, makatatanggap ng rice subsidy, medical assistance, at financial assistance na nagkakahalagang 15,000 piso ang mga beterano tuwing Araw ng Kagitingan.
Siniguro ni Garcia na patuloy ang pamahalaang panlalawigan sa pagsulong ng mga programang magpapaunlad sa pamumuhay ng mga beterano at bawat pamilyang Bataeño.
Samantala, binigyang diin naman ni Philippine Veterans Affairs Office o PVAO Administrator Reynaldo Mapagu na patuloy ang kanilang ahensya na gawin ang kanilang mandato upang isulong ang kapakanan ng mga Pilipinong beterano sa bansa.
Inihayag din niya na patuloy ang pagsuporta ng PVAO sa mga isinusulong na batas ukol sa pagpapataas ng pensyon, partikular na ang disability pension. (CLJD/CASB-PIA 3)