40, hired-on-the-spot sa Pre-Labor Day Jobs Fair sa Cabanatuan

LUNGSOD NG CABANATUAN — May 40 aplikante ang hired-on-the-spot sa idinaos na Pre-Labor Day Jobs Fair kahapon ng Department of Labor and Employment o DOLE at pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon kay DOLE Provincial Director Maylene Evangelista, layunin ng aktibidad na magsilbing daan upang umagapay sa mga kababayang naghahanap ng trabaho at mga establisimentong naghahanap ng mga empleyado o manggagawa.

Maliban aniya sa trabaho ay itinampok din sa naturang aktibidad ang pagbubukas ng oportunidad sa pangkabuhayan at negosyo katuwang ang Department of Trade and Industry na mayroong booth para sa mga interesadong magnegosyo at nangangailangan ng konsultasyon.

Hinihikayat din ni Evangelista ang mga manggagawa na subuking pumasok sa pagnenegosyo na makatutulong sa job generation sa lalawigan gayundin ay pagpapalawak ng angking kakayahan sa pangkabuhayan.

Lumahok sa naturang Job Fair ang nasa 31 kumpanya sa bansa na karaniwang hinahanap ay mga aplikanteng nasa linya ng financing, sales, call center agents at iba pang trabaho sa opisina.

Nananatili namang patok sa ibang bansa gaya sa Japan ang mga skilled worker na mga karpintero, welder, scaffolder, sewer at road roller samantalang mga medical-related course gaya ng nars at radiologic technologist ang hinahanap sa Saudi Arabia.

Ayon pa kay Evangelista, marami pa din sa mga kalalawigan ang naghahanap at nangangailangan ng trabaho at isa sa mga solusyong nakikita ay ang patuloy na pag-usbong ng Business Hub sa lungsod ng Palayan na mangangailangan ng maraming bilang na manggagawa.

Kaugnay sa paggunita sa Araw ng Paggawa ay idaraos ang parehong aktibidad ngayong araw na pangangasiwaan naman ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan na gaganapin sa City Hall Building sa Barangay Kapitan Pepe.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews