40,000 tilapia fingerlings pinakawalan sa Ipo Dam

LUNGSOD NG MALOLOS — May 40,000 tilapia fingerlings ang pinakawalan sa Ipo Dam reservoir sa barangay San Mateo sa Norzagaray, Bulacan na laan para sa pangkabuhayan ng mga naninirahan na Dumagat.

Sinabi ni Ralphrandt Atabay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bulacan Provincial Field office na ang mga fingerlings ay nagmula sa hatchery at breeding station ng kanilang ahensya sa bayan ng Hagonoy.

Tyempo aniya ang pagtulong sa mga Dumagat ngayong ang Bulacan ay nasa ilalim muli ng Enhanced Community Quarantine na nagdudulot ng hamon sa paraan ng pamumuhay nila.

Giniit din ni Atabay ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kasanayan sa pangingisda gayundin ang kooperasyon upang maseguro na ang mga pinakawalang tilapia fingerlings ay dadami para sa kapakinabangan ng mga katutubo. 

Tinatayang may 600 Dumagat sa Kabayunan Ancestral Domain mula sa bayan ng Norzagaray at Doña Remedios Trinidad ang direktang makikinabang sa tilapia dispersal.

Ito ay tugon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS upang mai-angat ang antas ng buhay ng mga katutubo.

Bahagi ito ng Memorandum of Agreement na nilagdaan ng MWSS, National Commission on Indigenous Peoples o NCIP at Kabayunan Dumagat Indigenous Cultural Community na may kaugnayan sa aplikasyon sa NCIP Certification Precondition ng MWSS para sa Angat Water Transmission Improvement Project.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews