LUNGSOD NG MALOLOS — Humigit kumulang 436 Bulakenyo ang binigyan ng emergency employment ng Department of Labor and Employment o DOLE.
Ayon kay DOLE Provincial Director May Lynn Gozun, ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Barangay Ko Bahay Ko Disinfection Project ay para sa mga mangagawang nasa impormal na sektor na nawalan o naapektuhan ang kabuhayan sanhi ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Dagdag pa ni Gozun na binuo ang naturang proyekto upang magkaroon ng pagkakataon na ma-disinfect ang kani-kanilang mga bahay at barangay habang pinapasahod ng pamahalaan.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay maaring magtrabaho ng apat na oras kada araw sa loob ng sampung araw kung saan papasuhuran sila ng minimum wage. Sa Gitnang Luzon, ito ay 4,200 piso o 420 kada araw.
Bukod sa sahod, binigyan din sila ng Personal Accident Insurance, polyeto tungkol sa kaligtasan at kalusugan, at mga gamit sa paglilinis.