MAHIGIT P13 milyon na cash assistance ang ipinagkaloob ng Bulacan provincial government sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) para sa mga 441 Covid-19 death beneficiaries sa ginanap na cash distribution sa Provincial Capitol Gym nitong Miyerkules, Agosto 3, 2022.
Ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng P30,000 na mismong sina Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro ang personal na nag-abot ng cash assistance sa pamilya ng yumaong Covid-19 patient.
Ayon kay PSWDO head Rowena Tiongson, bukod sa Covid beneficiaries ay tumanggap din ang ibang benepisyaryo gaya ng 24 na regular burial assistance, 16 fire victims na binigyan ng emergency kits plus 10k cash, medical and assistive devices para sa 80 beneficiaries.
Sa panayam kay Fernando sinabi nito na patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng Covid sa lalawigan kung kaya’t hindi dapat magpakampante ang mga Bulakenyo sa naturang banta ng nakamamatay na virus.
As of August 3, 2022 report ng Bulacan PHO, ang lalawigan ay nakapagtala ng 1,401 Covid-19 active cases na mayroon kabuuang 112,103 verified cases habang ang recovered patients ay umabot na sa 108,969 at ang nasawi ay nasa 1,733.
Nabatid na ang City of Malolos ang siyang nangunguna na may mataas na bilang ng kaso ng Covid na nasa 265 na kaso, sinundan ito ng City of San Jose Del Monte na 201 cases, bayan ng Sta. Maria na mayroong 109 na kaso at 79 cases naman sa Baliuag.
Sa report ni Provincial Health Officer II Dr. Hjordis Marushka B. Celis sa gobernador, napag-alaman na ang PGB ay nakapagbakuna na ng nasa 5,906,570 COVID vaccines.
Umabot na umano sa 743,381 ang nakatanggap ng booster shots kung saan 675,047 dito ay first booster shots at 68,334 naman ang sa 2nd booster shots.
Ayon pa kay Celis, 2,518,217 o nasa 83.55% ng eligible population ay fully vaccinated na kontra sa COVID-19.
Samantala, patuloy pa rin sa panawagan si Fernando sa mga Bulakenyos na magpabakuna ng additional Covid-19 shots dahil nga sa tumataas na bilang ng mga nagpopositibo sa nagdaang mga linggo.
“Ako po ay patuloy na nananawagan sa ating mga kalalawigan na agad magpabakuna at huwag nang hintayin ang paglala ng sitwasyon ng COVID bago tayo umaksyon. Bukas po ang ating mga vaccination sites upang makapagpa-booster tayo, para na rin sa karagdagang proteksyon laban sa COVID-19,” wika ni Fernando.