441 nasawi sa COVID-19 pinagkalooban ng cash assistance

Mahigit P13 milyon cash assistance ang naipagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan  sa bawat nasawing Bulakenyo dahil sa sakit na COVID-19 alinsunod sa napagtibay na provincial ordinance.

Nito lamang Biyernes ay mismong si Governor Daniel Fernando ang nag-abot ng tseke na nagkakahalaga P30K sa bawat pamilya ng namatay sanhi ng COVID-19 sa ilalim ng Provincial Ordinance No. 86-2020.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development chief Rowena Joson-Tiongson, ang naturang financial assistance sa bawat namatayang Covid patient ay nakapaloob sa nasabing ordinansa na pinagtibay nitong Mayo 2020 sa kasagsagan ng pandemiya.

Pahayag ng gobernador, ang pamahalaang panlalawigan ay parating nakaagapay sa ganitong pagkakataon kasabay ng pagpapaalala sa mga Bulakenyo na huwag magpakampante dahil hindi pa tapos ang laban sa COVID-19 hanggat wala pa rin aniyang bakuna.

“Mahirap at masakit ang mawalan ng mahal sa buhay. Hindi po natin alam at walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari sa atin sa susunod na mga araw kaya huwag makalimot na magpasalamat at manalangin sa Diyos, kami po ay palagi naririto at handang dumamay” ani Fernando.

Nabatid na sa ginanap na distribusyon ay kabilang na rin sa mga ipinamahaging tulong pinansiyal ay ang burial assistance sa mga non-covid death, balik probinsiya, calamity assistance at medical assistance naman sa mga maysakit.

Patuloy na nananawagan ang gobernador sa mga kababayan niyang Bulakenyo na mag-iingat at palagiang magsuot ng facemask/ faceshield, gumamit ng alcohol at maghugas ng kamay bilang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa 11,346 ang nakarekober sa Covid mula sa kabuuang bilang na 12,608 na kaso ng Covid sa Bulacan kung saan 701 dito ay active cases habang 446 ang naitalang namatay.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews