LUNGSOD NG BALANGA — Humigit kumulang apat na libong residente sa Bataan ang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Ito ay pinangasiwaan mismo nina Senador Imee Marcos na siyang Chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development at Gobernador Jose Enrique Garcia III.
Sinabi ng senadora na makatutulong ang naturang ayuda ng DSWD upang matugunan ang pang araw-araw na gastusin at pangangailangan ng mga kababayan lalo pa at nakararanas ngayon ang bansa ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ang AICS ay nagsisilbing safety net na mekanismo upang suportahan ang pag-ahon ng isang indibidwal mula sa hindi inaasahang krisis gaya ng sunog, pagkakasakit o pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, kalamidad at iba pang sitwasyon.
Ayon kay Social Welfare and Development Provincial Team Leader Ricky Gacayan, nakatanggap ang mga benepisyaryo na kinabibilangan ng mga magsasaka, mangingisda, solo parents at iba pang nakararanas ng krisis sa buhay ng tig-tatlong libong pisong ayuda.
Sila ay mula sa lungsod ng Balanga at mga bayan ng Mariveles, Limay, Orion at Pilar.