LUNGSOD NG MALOLOS — Bukas na ang may limang Business One Stop Shop o BOSS sa Bulacan.
Matatagpuan ang mga ito sa mga bayan ng San Rafael, Guiguinto, Santa Maria, at Norzagaray at sa lungsod ng San Jose Del Monte.
Ayon kay Department of Trade and Industry Provincial Director Zorina Aldana, ang BOSS ay isang pangunahing probisyon ng Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act, na kinakailangang mayroon ang isang pamahalaang bayan o lungsod.
Kinonsepto ang BOSS upang lubos na mapagsama-sama ang lahat ng transaksyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagkuha ng Business Permit at maging Business Name, sa maga magbubukas ng bagong negosyo at maging ang mga renewal.
Binigyang diin ni Aldana na sa BOSS, bukod sa pagsasama-sama ng mga transaksyon, ay mas pinabilis pa.
Tinaguriang 3-7-20 formula ang prescribed processing time sa mga transaksyon sa BOSS. Ibig sabihin, tatlong araw sa mga simpleng transaksyon, pitong araw sa mga malalaking transaksyon at dalawampung araw sa mga highly technical at mga big-ticket na pamumuhunan.
Para matiyak na magiging mabilis ang mga transaksyon sa BOSS, pinag-isa na rin ang ipi-fill up na papel sa pamamagitan ng isang Unified Business Application Form.
Namumuhunan din ang mga pamahalaang lokal sa Automation ng Business Permits and Licenses at sa mismong munisipyo na rin iniisyu ang mga barangay clearance at permit.