Nasa 500,000 Philippine Identification Card o PhilID ang naipamahagi na ng Philippine Statistics Authority o PSA sa Nueva Ecija.
Ayon kay PSA Nueva Ecija Philippine Identification System o PhilSys Focal Person Mark Joseph Briguela, halos 1.6 milyon ang nakapagparehistro sa PhilID sa lalalwigan.
Sa pasusulong ng PhilSys ay hangad na magkaroon na lamang ng isang pinanghahawakang valid ID ang bawat Pilipino na magagamit para sa mas madaling pagkuha ng mga serbisyo o transaksyon sa mga tanggapan ng pamahalaan at mga pribadong tanggapan.
Ibinalita din ni Briguela na sisimulan na sa Oktubre 3 ang pamamahagi ng printable digital PhilID upang may magamit na ang mga mamamayan naghihintay sa pagdating ng kanilang physical ID.
May mga ahensya na aniya ng pamahalaan tulad ang Department of Foreign Affairs na pangunahing hinahanap ang PhilID sa mga nag-aaplay sa pagkuha at pagrerenew ng pasaporte.
Humiling din ng pang-unawa si Briguela sa lahat ng mga kababayang matagal ng nagparehistro at naghihintay na matanggap ang ID.
Dumadaan sa dalawang magkaibang verification ang mga natatangap na aplikasyon ng PSA upang matiyak na tunay ang mga dokumentong ipinasa gayundin ay tugma sa na-imprentang ID bago ang distribusyon na pinagtutulungan ng ahensya at Philippine Postal Corporation.
Binanggit din ni Briguela na ibinabalik sa PSA ang mga ID ng mga registrants na hindi natagpuan o naabutan ng mga postman sa tatlong beses na pagpunta sa itinalang address.
Nakikipag-ugnayan ang PSA sa mga ito upang personal na kuhanin ang ID sa mismong opisina ng ahensiya.
Kaniyang payo sa mga nakatanggap na ng National ID ay ingatan ito at iwasang mawala dahil magiging matagal pa ang re-issuance ng panibagong ID gayundin ay iwasang ipaalam sa iba ang PhilSys Number na nakalakip sa sobre kasama ng PhilID na tanging mayari lamang dapat ang nakakaalam.
Patuloy na hinihikayat ni Briguela ang lahat ng mga kalalawigang magparehistro sa National ID sa pamamagitan ng pagtungo sa mga registration site tulad sa mismong opisina ng PSA at Civil Registration Services system outlet gayundin sa mga ginagawang mobile registration sa mga barangay at mga lokal na pamahalaan. (CLJD/CCN-PIA 3)