Anim katao ang namatay habang 286 naman ang tinamaan ng sakit na tigdas sa lalawigan ng Bulacan nito lamang Enero hanggang Pebrero 2 ng taong kasalukuyan.
Dahil dito, naalarma ang Pamahalaang Panlalawigan at pinulong ang lahat ng provincial, municipal at barangay health workers sa isinagawang “Stakeholders Meeting” sa Balagtas Hall, Hiyas ng Bulakan Convention Center sa Lungsod ng Malolos kahapon ng umaga.
Sa layuning mapigilan ang paglaganap ng tigdas sa lalawigan, ipinatawag ni Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado ang lahat ng concern provincial government agencies sa pangunguna ng Provincial Health Office kung saan sinimulan nang ipatupad ang mas pinaigting na “Oplan: Ligtas Tigdas sa Bulacan”.
Dahil sa biglaang pagtaas ng mga pinaghihinalaang kaso ng tigdas sa bansa, hinikayat ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang mga Bulakenyo na magpabakuna laban sa nasabing sakit kasabay ng pagpapalabas ng memorandum na inaatasan ang lahat ng mga mayor at kapitan ng barangay na mahigpit na ipatupad ang mga ipinag-uutos sa oplan guidelines.
Dapat din umanong bumaba sa bawat bahay-bahay ang mga barangay officials upang imonitor ang kalagayan ng kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya, ayon sa gobernador.
“Huwag tayong matakot na pabakunahan ang ating mga anak, mga apo, sapagkat ito pa rin ang pinakamabisang paraan ng paglaban sa mga sakit hindi lang sa tigdas, marami pa tulad ng polio, pertussis, pulmonya at iba pa. Wala pong dapat mamatay dahil dito dahil kaya natin itong labanan,” ani Alvarado.
Kinapapalooban ang nasabing Oplan ng pagpapalawig ng kaalamang pangkalusugan sa pag-iwas sa sakit na tigdas; pagkonsulta sa mga health center at ospital kapag may sintomas ng tigdas; magsagawa ng sabayang pagbabakuna sa lahat ng barangay at purok; patuloy na pagmamatyag ng mga vaccine preventable diseases at pag-uulat nito sa mga kinauukukan; at hanapin at dalhin sa mga health center ang lahat ng mga batang may edad anim hanggang 59 na buwan upang mabigyan ng kaukulang bakuna.
Ayon kay Ryan Alfonso ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU), nagtala ang lalawigan ng 286 na pinaghihinalaang kaso ng tigdas mula Enero hanggang Pebrero 2 na katumbas ng 1,708 na porsyentong mas mataas kaysa sa 12 kasong naitala noong 2018 sa parehong panahon habang 63 porsyento ang naitalang nasa edad limang taon pababa ang mga tinamaan.
Nakasaad din sa tala ng PESU na anim ang namatay sanhi ng karamdamang may kaugnayan sa tigdas na mula sa mga bayan ng Paombong, Bocaue, Sta. Maria, Meycauayan, Baliwag at Lungsod ng San Jose Del Monte.
Ayon pa rin sa ulat, ang Lungsod ng San Jose del Monte ang nagtala ng may pinakamaraming kaso ng tigdas na sinundan ng Bocaue at Baliwag.
Bago ito, nagkaroon na ng kapansin-pansing pagtaas ng bilang ng mga kaso ng tigdas noong Agosto, kaya naman katuwang ang Kagawaran ng Kalusugan, nagsagawa ng Ligtas Tigdas Plus ang Pamahalaang Panlalawigan kung saan nakapagbakuna ito ng 17,030 na mga bata na nasa edad anim na buwang gulang hanggang limang taon.
Sinabi ni Dr. Jocelyn Gomez, Provincial Public Health Officer, na sa kabila ng mga nabanggit na pagkilos, patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng tigdas dahil na rin sa mababang sakop ng pagbabakuna dulot ng takot dala ng isyu ng Dengvaxia.
“Sa ngayon may mahigit pang 42,000 na mga batang edad anim na buwan hanggang magli-limang taong gulang ang hindi pa kumpleto ang bakuna kasama ang tigdas,” Gomez said.
Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit na naisasalin sa pamamagitan ng mga patak mula sa ilong, bibig at lalamunan ng mga taong maysakit nito. Karaniwang lumalabas ang mga sintomas 10-12 araw matapos magkaroon ng impeksyon gaya ng mataas na lagnat, sipon, at namumulang mata. Nagkakaroon ng pantal makalipas ang ilan pang araw na nagsisimula sa mukha at kumakalat pababa.