Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, o St. Valentine’s Day, ay animnapu’t isang magsing-irog ang pinag-isang dibdib sa ginanap na
Kasalang Bayan sa Samal, Bataan nitong Biernes, Pebrero 14.
Pinangunahan ito ni Samal Mayor Aida Macalinao kasama ang kanyang Vice Mayor Jun Espino at Sangguniang Bayan members.
“Akin po lamang ding paalala sa ating mga ikinasal, na kilalanin ang Panginoon sa lahat ng kanilang tatahakin, igalang at mahalin ng tapat ang kanilang mga asawa at ipangako na iingatan at kakalingain ang kanilang magiging pamilya,” bilin ni Mayor Aida sa mga ikinasal.
Nagsilbing major sponsors o Ninong at Ninang sa naturang Libreng Kasalan sina Bataan First District Representative Geraldine Roman at Bataan Governor Abet Garcia.
“Gawin ninyong inspirasyon ang mga pagsubok na darating sa inyo upang lalong tumibay ang inyong pagsasama,” bahagi naman ng mensahe ni Congresswoman Roman.
Ibinalita rin ni Rep. Roman ang kanyang proyektong itatayo sa bayan ng Samal na Center For The Abused Women.
“I hope na sa tuwing dadalaw ako doon kapag naitayo na ay wala ako madatnan o sana ay bakante palagi. Kayong mga lalaki sana ay mahalin ninyo at maging tapat kayo sa ang inyong mga asawa,” bilin pa ni Roman.
Samantala, iniulat naman ni Mayor Macalinao ang kanyang sisimulang vertical housing project sa Barangay San Juan na may mahigit isanlibong units at inialok ito sa mga bagong kasal.
Ayon naman sa ulat ng Philippine Statistics Authority, nangunguna sa buong bansa ang Samal LGU sa mga programa nito sa kanilang local civil registry.