68 pamilya biktima ng sunog sa Bulacan tumanggap ng tulong

NAMAHAGI ng cash assistance, rice cavan at emergency kit ang Provincial Government of Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa 68 pamilya na biktima ng sunog na tumupok sa 48 kabahayan noong Miyerkules sa compound sa Sitio Villarica, Tabing Ilog, Barangay Poblacion, Sta. Maria, Bulacan.

Ayon kay PSWDO head Rowena Joson-Tiongson, ang bawat pamilya ay makatatanggap ng P15,000, isang sako ng bigas, emergency kit na naglalaman ng kumot, banig, kulambo at unan mula sa Bulacan provincial government at personal aid galing kay Governor Daniel Fernando.

Umabot sa halos 300 indibidwal mula sa 68 families at 50 kabahayan ang nawalan ng bahay makaraang lamunin ng apoy ang kanilang mga tirahan noong Miyerkules ng hapon bandang alas-3:00.

Ang mga nasabing pamilya ay agad na nakatanggap ng P5,000 (each), personal cash na kaloob ni Fernando makaraang personal na bisitahin nito ang lugar at temporary evacuation site ng mga nasunugan kasama si Board Member Alex Castro at mga staff ng PSWDO.

Ayon sa gobernador, karagdagang P10,000 pa ang matatanggap ng mga ito mula sa provincial government kung saan agad nitong inatasan si Tiongson ng PSWDO na madaliin ang pagproseso ng papel para makuha agad ang nasabing cash assistance.

Nabatid na agad ding rumesponde si Barangay Poblacion Captain JR Morales sa lugar ng insidente para mapunan ang pangangailangan ng mga nasunugan habang dumagsa rin ang iba pang mga tulong mula sa mga LGUs at mga local candidates at mga aspirante sa 2022 elections.

Nagkaloob din si Barangay Captain Renato Castro ng Barangay Manggahan ng tulong at nagpadala ng mga tent na itinayo sa gitna ng bukid katabi ng pinangyarihan ng sunog para siyang maging temporary shelters.

Tumagal ang sunog ng halos tatlong oras bago idineklarang fire-out kung saan wala namang iniulat na nasawi at nasugatan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews