FORT RAMON MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Bilang bahagi sa pagpapalakas ng puwersa ng buong hanay ay isasagawa ng Army 7th Infantry Division o 7ID sa darating na Huwebes at Biyernes, ika- walo at siyam ng Hunyo, ang pagsusulit para sa mga nais maging sundalo.
Ayon kay Division Public Affairs Chief 1st Lieutenant Catherine Hapin, ang eksaminasyon ay idaraos sa 7ID covered court sa loob mismo ng kampo Magsaysay sakto alas-otso ng umaga.
Kaugnay nito ay inaabisuhan ng tanggapan ang lahat ng aplikante na tumungo bukas, ika-pito ng Hunyo sa kampo upang makapagparehistro at lumahok sa isasagawang screening.
Aniya, hindi bibigyang permiso na makakakuha ng pagsusulit ang mga hindi makakadalo sa screening.
Samantala, kabilang sa mga kwalipikadong maging sundalo ay ang mga sumusunod: Filipino citizen na nasa edad 18 hanggang 26 na taong gulang, nakatapos ng High School at may kaalamang bokasyonal o teknikal, may taas na 5 feet pareho sa babae at lalaki, at higit sa lahat hindi nasangkot sa anumang klase ng krimen at walang nakabinbing kaso sa hukuman.
Paalala pa ng 7ID, huwag kalilimutang dalhin sa araw ng eksaminasyon ang valid identification card, birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority kasama ang resibo, diploma o transcript of records, dalawang piraso ng 2×2 picture, white long folder at lapis.
Ayon pa sa tanggapan ni Hapin, target ng disbisyon na makapagrecruit ng nasa 700 bagong sundalo sa buong taon ng 2017. –Camille C. Nagaño