80 estudyante sa Nueva Ecija nakiisa sa usaping pangkalikasan

Humigit kumulang 80 estudyante sa Nueva Ecija ang lumahok sa ikalawang leg ng Kilos Kabataan para sa Kalikasan virtual youth forum.

Ito ay inorganisa ng Philippine Information Agency (PIA) katuwang ang Environmental Management Bureau (EMB), College of the Immaculate Conception, Nueva Ecija High School at Bambuhay.

Sinabi ni EMB Environmental Monitoring and Enforcement Division Engineer II James Romero na kung hindi pahahalagahan ang kalikasan sa kasalukuyan ay lalong titindi ang epekto ng climate change. 

Huwag na aniyang hintaying mahuli ang lahat bago simulang isalba ang kalikasan sa pagkasira na malaki ang epekto sa buhay at pamumuhay ng tao. 

Pahayag ni Romero, malaki ang kontribusyon ng tao sa nararanasang pag-init ng mundo at pagbabago ng klima tulad na lamang ang napo-produce na greenhouse gases gaya ng carbon dioxide at methane mula sa paggamit ng aircon, iba’t ibang kagamitang de-kuryente, paggamit ng sasakyan at marami pang iba.  

Ang lahat aniya ay may magagawa at mahalagang maiaambag upang mapangalagaan ang kalikasan mula sa simpleng pagtitipid sa paggamit ng kuryente, pagtatanim ng mga punong kahoy, wastong pagsisinop ng basura at iba pang mga katulad na gawain.

Sa kanilang tanggapan aniya sa EMB ay mayroong greenhouse gases inventory na kung saan kanilang inaalam ang napo-produce na carbon footprint mula sa mga gawain sa opisina upang mabigyang aksyon. 

Samantala ay ibinahagi naman ni EMB Provincial Focal Person for Ecological Solid Waste Management Blessa Grace Mariano ang importansiyang mabawasan ang mga napo-produce na basura at tamang pagsisinop nito na dapat ay nagsisimula sa bawat tahanan. 

Ang pagkakaroon ng disiplina aniya ay mahalaga upang mapangalagaan ang kalikasan tulad ng pag-iwas sa paggamit ng plastic, pag-rerecycle ng mga basura, at iba pa.  

Dapat aniya na nakaayos ang mga basura sa bawat tahanan upang hindi na mahirapan ang mga kumokolekta nito gayundin ay isumbong sa tanggapan ng punong barangay kung mayroong makitang nagkakalat, nagsusunog ng basura at squatting na ipinagbabawal batay sa isinasaad ng section 48 ng Batas Republika Bilang 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Makatutulong din sa pangangalaga ng kalikasan ang paglahok sa mga isinusulong na aktibidad ng mga paaralan at komunidad na may kaugnayan sa paglilinis ng kapaligiran. 

Binigyang diin naman ni PIA Assistant Regional Director Carlo Lorenzo Datu ang mahalagang papel ng bawat isa sa pangangalaga ng kalikasan. 

Aniya, hindi lamang ang pamahalaan ang may responsibilidad sa pangangalaga ng ating kalikasan kundi tayong lahat na nakatira rito.

Hangad aniya ng PIA na sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga kagayang aktibidad na maibahagi at mapataas ang kamalayan sa kahalagahan ng biodiversity at National Greening Program ganun din ay mahikayat ang mga youth organization na bumuo ng mga advocacy program na may kaugnayan sa kapaligiran. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews