90 farmer coops, samahan sa Bulacan tatanggap ng mga makinarya

LUNGSOD NG MALOLOS — Tatanggap ang may 90 kooperatiba at samahan ng mga magsasaka ng palay sa Bulacan ng kabuuang 

220 yunit ng iba’t ibang makinaryang pangsaka na nagkakahalaga ng 202.7 milyong piso.

Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, ipinagkaloob ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech ang 70 Four Wheel Drive Tractor, 84 Hand Tractor, 28 Combine Harvester, 15 Rice Reaper, 12 Transplanter Walk Behind, 4 Floating Tiller, 3 Transplanter Riding Type, 3 Precision Seeder, 1 Multi-pass Rice Mill at 1 Recirculating Dryer.

Ang ipinambili sa mga bagong kasangkapang pangsaka na ito ay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF. 

Ito ang mga nakokolekta sa ipinapataw na taripa sa mga naaangkat na Bigas alinsunod sa pangunahing probisyon ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law.

Pinakamalaking nilalaanan ng pondo ng RCEF ay sa mechanization program ng PhilMech para sa mga magsasaka ng Palay. 

Aabot sa 50 porsyento ng RCEF ang itinatakda ng Republic Act 11203 para sa rice farm mechanization habang ang 30 porsyento ay pagkakaloob ng mga binhi na pinangangasiwaan naman ng Philippine Rice Research Institute, 10 porsyento sa mga pagsasanay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng Agricultural Training Institute, at 10 porsyento para sa mga pautang na inilaan para sa Land Bank of the Philippines.

Kaugnay nito, ayon kay Carillo, malaking tulong ang karagdagang mga bagong kasangkapang pangsaka upang lalong mapalakas ang produksyon ng palay. 

Ito’y upang patuloy na matiyak ang suplay ng Bigas sa lalawigan habang nararanasan pa ang pandemya ng COVID-19. 

Humigit kumulang sa 44 libong ektarya ang lupang sakahan ng Palay sa Bulacan.

Base sa tala ng Provincial Agriculture Office o PAO, nasa 67,674 metro tonelada ang naaning palay sa mga sakahan sa Bulacan nitong 2020. 

Katumbas ito ng apat na metro tonelada sa bawat isang ektarya. 

Bahagyang mas mababa kumpara sa naitalang ani noong taong 2019 na umaabot sa 77,324 metro tonelada.

Matatandaan na sa gitna ng pandemya, nakaranas ang Bulacan malakihang pagbabaha sa sa huling bahagi ng 2020 dahil sa pagtama ng mga malalakas na bagyo. 

Kaya naman sa pagdating ng mga karagdagang kasangkapang pangsaka, target ng PAO na makabawing muli ang mas maraming ani ng palay ngayong 2021. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews