934 Bulakenyo tatanggap ng burial assistance

LUNGSOD NG MALOLOS – May kabuuang 934 na mga Bulakenyo ang tatanggap ng burial assistance mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na nagkakahalaga ng P2,000 bawat isa.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena Joson-Tiongson, patuloy ang kanilang pamamahagi ng mga tseke sa 150 benepisyaryo bawat araw na nagsimula nitong Lunes sa Bulacan Capitol Gymnasium at nagpatuloy kinabukasan sa Hiyas ng Bulacan Convention Center dito.

Aniya, magpapatuloy ang pamamahagi hanggang Huwebes, Hulyo 9 at muling itutuloy sa Lunes, Hulyo 13 at Martes, Hulyo 14 para sa huling grupo ng mga benepisyaryo na binubuo ng 184 na indibidwal.

Sinabi naman ng ‘The People’s Governor’ ng Bulacan, Igg. Daniel R. Fernando na inatasan na niya ang PSWDO at finace cluster na bilisan ang pag-proseso sa pinansiyal na ayuda upang magamit kaagad ng mga Bulakenyong benepisyaryo habang umiiral ang modified general community quarantine.

“Inatasan na po natin ang mga concerned office na hanggang kaya nating iproseso ang mga dokumento ng mga humihiling ng tulong pinansiyal ay gawin na upang mas maaga nila itong mapakinabangan. Kakagaling lamang po natin sa lockdown ilang linggo na ang nakararaan at bagaman ngayon ay nasa MGCQ na tayo, batid po ng inyong lingkod ang inyong pangangailangan kaya naman po tulad ng nasabi ko, gusto ko po na kapag mayroon tayo ngayon ay ibigay na kaagad sa ating mga kalalawigan dahil ramdam ko po ang inyong pangangailangan,” ani Fernando.

Mahigpit din niyang pinaalalahanan ang mga benepisyaryo na sumunod sa mga health protocol sa panahong ito ng pandemya upang makatulong sa pagpapababa ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews