MALOLOS — Target ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na mapadaanan ang marami sa pangunahing road network sa bakuran ng Kapitolyo bago dumating ang tag-ulan.
Nasa kasagsagan na ngayon ng ginagawang pagtataas sa mga kalsada sa paligid ng Kapitolyo ng Bulacan.
Sarado pa rin ngayon ang papasok na kalsada sa Kapitolyo mula sa Mac Arthur Highway at ang karugtong nito papunta sa lumang kampus ng Marcelo H. Del Pilar High School habang sinimulan nang itaas ang bahagi nito sa harapan ng gusaling Ople.
Ayon kay Engr. Glen Reyes ng Provincial Engineering Office, ipinapantay sa kasalukuyang itinaas ng MacArthur Highway at mga kalsada sa loob ng main campus ng Bulacan State University ang magiging taas ng gagawing kalsada.
May halagang 87 milyong piso ang ginagastos ngayon ng Kapitolyo para sa naturang proyekto.
May kapal na walong pulgada ang konkretong semento na inilalatag dito habang kasing taas ng baywang ng taong matangkad ang itinambak na lupa upang tumaas ang lebel ng kalsada.
Mas malapad ang mga bangketa na nilagyan ng disenyong hindi makakadulas sa mga taong maglalakad tuwing tag-ulan.