
Ang party-list system ay nilikha upang bigyan ng tinig ang mga nasa laylayan. Para sa magsasaka, ito ang pagkakataon na marinig sa Kongreso ang kanilang hinaing.
Ngunit tila nagiging kabalintunaan ang sistemang ito sa katauhan ng neophyte Congressman Ferdinand Beltran ng Pampanga.
Si Beltran, kinatawan ng MAGBUBUKID party-list, ay hindi lamang lingkod-bayan. Ayon sa mga ulat, siya rin ang may-ari ng Ferdstar Builders Contractors, Inc., na balitang nakakuha ng mahigit ₱800 milyon na flood control projects sa Pampanga.
Habang abala sa malalaking kontrata, ang mga tunay na magsasaka ay lugi sa mababang presyo ng palay, baon sa utang, at patuloy na nakikisaka sa lupang hindi kanila. Sila’y nananalangin na sana’y hindi lumubog sa baha o malanta sa tagtuyot ang kanilang taniman.

Isang matindi at nakapangingilabot na kabalintunaan: ang tinig ng mga magbubukid ay kinakatawan ng isang super-rich na kontratista.
Ang magbubukid mismo, nananatiling hikahos, walang katiyakan sa ani, at walang sapat na suporta mula sa pamahalaan. Sino ba ang tunay na kinakatawan?
Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, ang party-list system ay mawawalan ng saysay at magiging larangan na lamang ng mayayaman at makapangyarihan.
Panahon na para maging mas mapanuri ang taumbayan at hingin ang pananagutan ng mga nakaupo—dahil ang tunay na magsasaka ay karapat-dapat sa mas malinaw at mas tunay na tinig sa Kongreso. — ALEXANDER CAUGUIRAN

