7th ID iniulat mga positibong ginampanan sa lipunan

FORT RAMON MAGSAYSAY – Iniulat ng 7th Infantry Division o 7th ID ng Philippine Army sa pagdiriwang ng ika-29 anibersaryo kahapon ang mga napagtagumpaya’t gampanin sa nakalipas na taon.

Ayon kay 7th ID Commander Major General Angelito De Leon, mula nang siya’y manungkulan bilang pinuno ng dibisyon ay maraming dumaang pagsubok, kalamidad, mga pang-gugulo at pananakot ng mga kalaban ngunit nanatiling matatag ang tanggapan dala ang integridad at kalidad ng serbisyo.

Kabilang sa mga mahahalagang ginampanan ng hukbo simula Agosto 2016 ay ang pagtatapos ng nasa 317 candidate soldiers bukod pa ang 484 na mga kasalukuyang nagsasanay na daragdag puwersa sa pagbabantay seguridad.

Ipinahayag din ni De Leon, nakapagsagawa din ang dibisyon ng 93 iba’t ibang uri ng pagsasanay para sa mga nasasakupang kawani at mga kawal na layong mapalawig ang kanilang kagayakan at kakayahan sa pagtupad ng tungkulin.

Bukod pa rito aniya ang pagpapabuti ng mga pasilidad sa loob ng kampo gaya ang pagdaragdag ng swimming pool sa Division Training School na gagamitin sa pagsasanay ng mga bagong kasundaluhan at ang natapos nang Bautista Road na dinaraanan simula Grandstand patungong Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center.

Kaniya pang pahayag, nasa 29 dating mga rebelde ang naakay ng dibisyon na sumuko at tumanggap ng puhuna’t pagsasanay pangkabuhayan sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program bilang daan sa kanilang pagsisimula ng bagong buhay.

Ayon pa kay De Leon, patuloy pa din ang mga isinasagawang operasyon upang maipadama sa mga kababayan ang layuning mapangalagaan ang kanilang kaligtasan sa oras man ng kalamidad o pag-atake ng mga kalaban.

Nito lamang aniyang Marso nang kasalukuyang taon ay nakaengkwentro ng hanay ang ilang kasapi ng New People’s Army na dahilan sa pagkakahuli ng isang opisyal ng mga rebelde, pagbawi ng mga kagamitang pandigma at pagbawas sa pwersa ng kalaban.

Paglilinaw pa ni De Leon, hindi din aniya bibitiw ang hukbo sa laban ng pamahalaan kontra ilegal na droga kaya’t magpapatuloy ang ugnaya’t pakikipagtulungan sa mga kapulisa’t iba pang otoridad na mawaksi ang bentahan at paggamit ng ilegal na droga, paggawa ng krimen sa mga nasasakupang lokalidad.

Isang napakalaking responsibilidad aniya na mapangalagaan ang nasa labing-anim na milyong kataong nasasakupan kaya’t mainam na masegurong sapat sa kaalaman, kagayakan at kasanayan ang mga kasundaluhan ng dibisyon sa tulong at agapay ng iba’t ibang miyembro ng lipunan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews