Talavera, muling kinilala bilang may Pinaka-Maringal na Pamilihan sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN — Muling binigyang parangal ng Department of Trade and Industry o DTI ang bayan ng Talavera na may Pinaka-Maringal na Pamilihang Bayan sa Nueva Ecija.

Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, layunin nitong bigyang halaga ang mga gampanin ng mga lokal na pamahalaan sa pagkakaroon ng maayos at ligtas na pamilihan.

Tinanggap mismo ni Mayor Nerivi Santos-Martinez kasama ng Talavera Consumer Affairs Council ang plake ng pagkilala at 5,000 pisong cash prize sa naging pagdiriwang ng Consumer Welfare Month.

Ipinahayag rito ni Martinez ang pasasalamat sa DTI na pagkilala sa mga ginagawa ng tanggapan na maproteksyunan ang mga mamimili kaya’t patuloy na tinatangkilik ng mga kababayan ang mga lokal na pamilihan sa bayan.

Ito na ang ika-apat na sunod-sunod na taong itinanghal ang Talavera bilang may pinakamaringal na pamilihan sa lalawigan.

Ngayong taon ay nag-tie sa ikalawang pwesto ang mga bayan ng Bongabon at San Antonio na nakatanggap ng tig-3,000 piso at plake samantalang nakamit ng lungsod ng San Jose ang ikatlong pwesto na mayroon ding plake at 2,000 piso.

Pasok naman sa top 10 ang mga sumusunod na bayan at lungsod na nagkamit ng consolation prize na tig-isang libong piso at sertipiko, nasa ikaapat na pwesto ang bayan ng Gabaldon na sinundan ng Rizal sa ikalimang pwesto.

Ika-anim ang bayan ng Cuyapo, Carranglan bilang 7th placer, pang-walo ang Science City of Muñoz, 9th placer ang General Tinio, at tabla sa ika-sampu ang mga bayan ng San Isidro, Talugtug, Sta. Rosa at Quezon.

Kasabay sa pagkilala ng mga natatanging lokal na pamahalaan ay iginawad din ng DTI ang Bagwis Seal of Excellence sa pitong business establishments sa lalawigan bilang mga ehemplo sa kanilang pagpapatupad ng patas na pagnenegosyo at pagtugon sa mga karapatan ng mga mamimili.

Kinilala rito ang Pandayan Bookshop Inc.,- Cabiao, Savemore-Jaen, New City Lumber and Hardware- Cabanatuan, at ang tig-dalawang Magic Mall Supermarket at Department Store sa lungsod ng San Jose. Camille C. Nagaño (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews