Duterte, ginawaran ng Gold Cross Medal ang mga sundalo ng SOCOM na lumaban sa Marawi

FORT RAMON MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Pinangunahan kahapon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang paggawad ng Gold Cross Medal sa mga sundalo ng Army Special Operations Command o SOCOM na lumaban sa Marawi.

Sila ay sina Captain Alberto Balatbat, Staff Sergeant Generson Evia, Captain Leonard Del Rosario, 2nd Lieutenant Rocky Johnson Abut, Sergeant Marlon Navidad, at Sergeant Roger Gaid.

Ayon kay SOCOM Commander Major General Danilo Pamonag, sila ay pinarangalan dahil sa kanilang katapangan sa pagkilos at kabayanihan sa pagharap ng mga malubhang panganib laban sa mga lokal at dayuhang terorista.

Si Balatbat, na nagsilbing Commander ng Special Forces Operational Base, ay ginawaran ng Gold Cross Medal dahil sa kanyang pangunguna at kagitingan sa pagkilos laban sa mga ISIS-Maute group sa Marawi.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, naging matagumpay ang clearing operations at pag-rekober sa ilang mga kagamitan ng kalaban tulad ng rifle grenade at unexploded ordnance.

Sa kabilang banda, si Evia ay kinilala dahil sa kanyang katapangan at pagkilos na nakatulong sa pagsupil sa humigit-kumulang 600 na mga elemento ng ISIS-Maute.

Sa ilalim din ng kanyang pamumuno, nagkaroon ng neutralisasyon ng 36 na mga terorista at pagbawi sa 41 iba’t ibang high powered firearms, 40 na improvise explosive devices, iba’t ibang mga bala, at mga subersibong dokumento.

Si Del Rosario naman, na nagsilbing Company Commander ng Scout Ranger Course Class 201-16, ay pinarangalan dahil sa pagsasakatuparan ng misyon na nagresulta sa pagliligtas ng 25 na sibilyan at pagbawi sa tatlong M16 rifle, isang M4 bushmaster rifle, limang ICOM radios, kagamitan ng mga terorista, at mga dokumento.

Samantala, si Abut ay Leader ng Team 2 ng Command Section, Scout Ranger Course Class 200-2016.

Siya ang nagseguro ng sistematikong extrication ng mga nasawi at sugatan.

Si Navidad na Platoon Sergeant ay ginawaran para sa kanyang katapangan na matulungan ang mga sundalo ng pamahalaan na iligtas ang 144 na mga bihag.

Siya rin ay nakapatay ng 14 na confirmed sniper ng kalaban at tumulong sa pagrekober ng 17 na high powered firearms, 16 improvised explosive devices, mga kagamitan ng terorista, at drug paraphernalia.

At panghuli, ang Platoon Sergeant na si Gaid ay matagumpay na na-rescue ang 144 na mga bihag at nakapatay ng 14 na confirmed snipers ng kalaban.

Siya rin ay nakarekober ng 17 assorted high-powered firearms, 16 na improvise explosive devices, dalawang 60mm mortar, assorted ammunitions, drug paraphilia at iba pa. (CLJD/CJVF-PIA 3) Cherie Joyce V. Flores

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews